PURING-PURI ni Charo Santos ang pagiging professional ni Bea Alonzo habang ginagawa nila ang horror movie na “Eerie”.
Matapos ang mahigit 40 taon mula nang gawin ni Charo ang una niyang horror film na “Itim” na idinirek ni Mike de Leon kung saan nanalo pa siyang best actress 1977 Asian Film Festival, muli siyang magbabalik sa nasabing genre.
Magkasama sila ni Bea sa kauna-unahang horror movie ni Mikhail Red na “Eerie” na nagkaroon na ng world premiere sa Singapore Film Festival last December. In fairness, sa trailer pa lang ng pelikula ay talagang kikilabutan ka na dahil sa kakaibang atake ni Mikhail.
Gagampanan ng award-winning veteran actress ang karakter ni Sor Aliche, ang istriktong madre na nangangasiwa sa isang all-girls Catholic school noong dekada 90 habang isa namang guro si Bea na susubukin ang pananampalataya sa gitna ng mga nagaganap na kababalaghan sa kanyang paligid.
Natanong si Charo Santos kung pang-best actress din ba ang pagganap niya sa “Eerie”, “What can I say? I just gave my best. Alam mo naman, kanya-kanyang mata yan, kanya-kanyang perspektibo yan di ba? Wala sa aming mga kamay.”
“Basta ang masasabi ko, talagang na-appreciate ko yung character ni Sor Aliche kasi nag-aral din ako sa isang eksklusiblong paaralan para sa mga kababaihan that was run by nuns, so medyo naka-relate naman ako,” kuwento pa ng dating presidente ng ABS-CBN.
Saludo naman si Charo sa ipinakitang galing at propesyonalismo ni Bea sa pelikula, “Bea was only 13 years old when I met her. At talagang nasundan ko ang kanyang career bilang artista at isa siya sa mga hinahangaan ko sa mga kabataang artista.
“So I felt so excited and I really looked forward to working with her. She’s a very intelligent, intuitive, and generous actress. She works hard. Talagang she comes to the set prepared. Pag break naman, nagbi-break din naman siya from her character. She’s a true professional. Her attitude towards her craft is admirable,” papuri pa niya sa aktres.
Showing na ang “Eerie” sa March 27 nationwide, makakasama rin dito sina Maxene Magalona, Jake Cuenca at marami pang iba.