PINALAKAS ng TNT KaTropa ang tsansa nitong makausad sa playoff round matapos patumbahin ang Rain or Shine Elasto Painters, 100-92, sa kanilang 2019 PBA Philippine Cup game Linggo sa Ynares Center, Antipolo City.
Nagawang maitayo ng KaTropa ang double digit na kalamangan sa kabuuan ng second half bago nagawang rumatsada ng Elasto Painters para makadikit sa apat na puntos, 95-91, may 33 segundo ang nalalabi sa laro.
Subalit nagpakita ng katatagan ang TNT matapos ipasok ni Jayson Castro ang dalawang krusyal na free throw para sa 97-91 kalamangan may 28.3 segundo ang natitira sa laban.
Nagtapos si Castro na may 20 puntos, pitong rebound at 10 assists habang si Troy Rosario ay nagdagdag ng 20 puntos at anim na rebound para pamunuan ang TNT.
Bunga ng panalo, nakasalo ng KaTropa ang San Miguel Beermen sa ikaapat na puwesto sa parehong 4-3 kartada.
Nagtala ng 18 puntos si Yap para pangunahan ang Elasto Painters na may limang player na umiskor ng double figure.
Nag-ambag si Maverick Ahanmisi ng 14 puntos para sa Rain or Shine (7-2) na nalaglag sa ikalawang puwesto sa likod ng Phoenix Pulse Fuel Masters (7-1).
Sa ikalawang laro, tinambakan ng Alaska Aces ang Barangay Ginebra Gin Kings, 104-78.