NASAWI ang 3-anyos na bata matapos saksakin ng kaanak na nanghostage sa kanya at kanyang ina, sa Mobo, Masbate, Linggo ng umaga.
Napatay din ang suspek na si Magdaleno Bustamante nang barilin ng mga pulis matapos niyang saksakin ang bata, sabi ni Maj. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.
Nagsimula ang pangho-hostage dakong alas-3:30, sa bahay ng gurong si Rovelyn Uy, 28, sa Brgy. Poblacion 2.
Pumasok si Bustamante nang may dalang kutsilyo sa silid ni Rovelyn at anak nitong si Christian Jerome, at sinabihang papatayin ang mag-ina.
Nang matunugan ito ng lokal na pulisya’y pinalibutan ang bahay kasama ang mga tauhan ng Provincial Mobile Force Company (PMFC), at saka nakipag-negosasyon kay Bustamante.
Sa gitna ng negosasyo’y biglang sinaksak ni Bustamante si Christ Jerome, kaya sumugod ang mga miyembro ng PMFC at pinaputukan ang suspek, ani Calubaquib.
Dito na natapos ang insidente dakong alas-7:45.
Itinakbo pa ang bata sa Masbate Provincial Hospital sa Masbate City, ngunit binawian ng buhay habang nilulunasan.