MAGANDA at positibo ang pinakahuling litanyang ini-labas ni Kris Aquino sa kanyang Instagram account nu’ng isang araw. Isinasarado na niya ang isyu sa kanila nina Phillip Salvador at dating SAP Bong Go.
Naisip daw niya na ang pinakamahalagang meron dapat silang tatlo ngayon ay katahimikan.
Napakaganda! Kung marunong siyang magbukas ng pintuan ng nakaraan ay marunong din siyang magsarado para sa ikatatahimik ng kanilang buhay.
Walang mapupuwes-tuhan si Kris sa nangyari kundi ang tapusin na ang isyu. Nasa tama siyang katwiran o wala ay siya pa rin ang pinupupog ng mga netizens.
Binigyan lang niya ng pagkain ang mga bashers, binusog niya sa armas ang mga taong naghahanap lang ng maibubutas laban sa kanya, siya ang nagpasabog ng bombang sa kanya rin tumama pagkatapos.
Sa bandang ito, dapat malaman ni Kris, na nasa tamang katwiran man siya ay hindi tanggap ng mga Pinoy ang pangmamaliit sa kapwa para lang makakuha siya ng mga kakampi sa giyera.
Sabihin ba naman niyang kahit piso lang ay walang naibigay ang action star sa kanilang anak sa loob nang labing-anim na taon, sino ang mapupulaan sa ganu’ng atake, ang kinakawawa ba o ang nangangawawa ng kanyang kapwa?
Nagpapakatotoo lang si Kris, nandu’n na tayo, kung sa totoo namang naging iresponsableng ama si Phillip kay Joshua. Pero ang ganu’ng ka-pintasan, lalo na sa isang minahal nang mahabang panahon, ay sinasabi na lang nang personal du’n sa tao at hindi ibinobrodkast sa buong mundo.
Tama lang, isinarado niya na ang isyu, dahil kung magtatatalak pa rin siya nang magtatatalak ay lalo siyang masasaktan sa social media.
Napakanipis pa naman ng balat niya.