Titled players magkakasubukan sa 1st GM Eugene Torre Chess Cup
LAHAT ng manlalaro, ano man ang edad o rating sa chess, ay iniimbitahang sumali sa kauna-unahang GM Eugene Torre Chess Cup na gaganapin sa Mayo 18 sa Mapua Gym, Intramuros, Maynila.
Ito ang paanyaya ng kauna-unahang chess Grandmaster ng Asya na si Eugene Torre Huwebes ng umaga sa “Usapang Sports” ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club, Intramuros, Maynila.
“This is open to all chess players. Magandang exposure ito lalo na sa mga bata,” sabi ni Torre, na dating naglaro rin para sa chess team ng Mapua.
“Magkakasubukan din dito ang mga tituladong manlalaro lalo pa na isa itong FIDE (World Chess Federation) rated event.”
Ayon kay Edmond Aguilar, presidente ng nag-oorganisang Mapua Filipino-Chinese Alumni Association, lilimitahan nila sa 400 manlalaro ang makakalahok sa torneyo dahil aniya, iyan lang ang kaya ng venue sa Mapua Gym.
Pakay din aniya ng torneyo na mahasa ang mga manlalaro ng Mapua bilang paghahanda na rin sa mga nalalapit na inter-collegiate tournaments.
Dagdag naman ni tournament director at Mapua head coach Boyet Tindugan Tardecilla, ang magkakampeon sa Open division ay mag-uuwi ng P30,000 premyo at isang magarang tropeyo.
Ang runner-up ay magwawagi ng P20,000 at ang third placer ay mananalo ng P8,000.
Ang mga magkakampeon naman sa elementary at high school division ay pagkakalooban ng tig-P5,000.
Ang mode of play ay 12 minutes plus 5 seconds increment time control format.
Ang registration fees ay P500 sa open division, P200 sa elementary at P200 din para sa high school division.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.