Imee sa PNP: Bantayan ang mga foreign poll observer

MAHIGIT dalawang buwan na lamang bago ang midterm elections sa Mayo 13, hindi lang ang buong bansa ang lalahok dito kundi pati ang iba’t ibang banyaga, partikular ang mga foreign poll observers na dadayo sa iba’t ibang panig ng Pilipinas para magmasid sa isasagawang eleksiyon.

Sa harap naman ng posibleng panganib at iba pang karahasan na maaaring mangyari sa paparating na halalan, nanawagan si Ilocos Norte Imee Marcos sa Philippine National Police (PNP) na tiyakin ang kaligtasan ng mga foreign poll observers.

Idinagdag ni Imee na kagaya ng local at foreign media, nahaharap din sa security risk ang mga foreign poll observers ngayong midterm elections.

Ito’y sa harap naman ng patuloy na banta ng mga teroristang grupo, partikular ng Abu Sayyaf na nagnanais na mapahiya ang administrasyon ni Pangulong Duterte
sa harap ng international community.

Hindi ba’t sariwa pa sa atin ang nangyari pag-atake sa Simbahan sa Jolo, Sulu kung saan maraming inosente ang nagbuwis ng buhay sa terror attack na pinaniniwalaang isang suicide bombing.

Ipinunto ni Marcos na dahil ang Commission on Elections (Comelec) ang may pangunahing responsibilidad sa kaligtasan ng mga foreign poll observers, nararapat lang na tiyakin ng mga opisyal nito na makipag-ugnayan ng husto sa PNP at maging sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para masiguro ang seguridad ng lahat ng mga banyagang pupunta sa bansa at magsisilbi bilang poll observers.

Dapat ding tiyakin ni Comelec Chairman Sheriff Abas na mabigyan ng sapat na briefing ang mga foreign poll observers kaugnay ng sakop ng kanilang trabaho at ang kanilang limitasyon para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Hindi na rin kasi bago na bagamat batid ng mga banyaga na may mga mapanganib na lugar na kailangan nilang iwasan ay nagsusubok pa rin ang ilan na makalusot dahil na rin sa pagnanais na makakuha ng first hand information.

Sinabi pa ni Imee na kung maayos na sabihan ang foreign poll observers kaugnay ng kanilang responsibilidad, makakaiwas sila sa anumang kapahamakan.

Naghihintay lamang ng pagkakataon ang mga teroristang grupo ngayong halalan para makakuha ng pagkakataon na makalikom ng pondo sa pamamagitan ng pangingidnap at paghingi ng ransom.

Nais ng administrasyon na matiyak ang isang mapayapa at malinis na eleksiyon sa Mayo na nais namang hindi mangyari ng mga nais manggulo.

Kayat nasa kamay ng PNP at AFP ang seguridad hindi lamang ng mga botante, media, kundi pati na ng foreign poll observers.

Read more...