Maja mas maligaya sa ‘second chance’ nila ni Rambo Nuñez: Sobrang swerte ko lang!


“IBALATO n’yo na lang sa akin ‘yun!” Yan ang pakiusap ng Dance Princess na si Maja Salvador sa ilang members ng entertainment media tungkol sa kanyang non-showbiz boyfriend.

Ipinakilala ang Kapamilya singer-actress-dancer kamakalawa ng gabi sa naganap na mini fashion show sa Trinoma Activity Center bilang kauna-unahang female endorser ng Guitar Underwear & Apparel.

Kasabay nito ang selebrasyon ng ika-60 anibersaryo ng nasabing kumpanya.

Pinagbigyan ni Maja ang mga reporter na umattend sa event para sa maikling interview at dito nga niya ikinuwento ang ilang detalye tungkol sa kanyang boyfriend na si Rambo Nuñez.

“‘Wag na tayo sa…into details, ibigay niyo na lang sa akin ‘yon, at least nag-share ako. It’s my first time na, 1000 percent, na walang pagdadalawang-isip, if I’ll share it or not,” ang simulang pahayag ng dalaga na ang tinutukoy nga ay ang mga sweet photos nila ni Rambo na kanyang ipinost sa Instagram.

Naging magkarelasyon na noon ang dalawa pero naghiwalay din, at makalipas ang siyam na taon ay muli silang nagkita and as they say, the rest is history. Ayon kay Maja, wala naman daw matinding dahilan ang break-up nila noon.

“‘Yung dati naman kasi namin, ano yun e, ‘Career or love life,’ may ganu’n. Siyempre, bata pa kami, ‘di ba? So parang hindi nabigyan ng todong chance before, so ito na nga siguro ‘yung second chance namin,” chika pa ng singer-actress.

Dagdag pa ni Maja, sa siyam na taong magkahiwalay nagtuluy-tuloy naman ang communication nila ng mommy ni Rambo na si Mrs. Marilen, in fact, “Mom” pa rin daw ang tawa niya rito.

“Sobrang suwerte ko lang din na ang bait ng family niya, na wine-welcome nila ako ng parang kapamilya. Actually parang anak ang turing sa akin e, yun yung masarap sa pakiramdam,” chika pa niya.

Dati, ang laging sinasabi ni Maja ay hindi niya ugaling makipagbalikan sa kanyang ex, “Pero minsan you break your own rules, and I think it’s worth it. Sabi ko nga, ang gaan, sobrang kabaligtaran ng dati.”

Ang huling boyfriend ni Maja ay si Gerald Anderson at mula noon ay wala na siyang naging showbiz dyowa hanggang sa kumalat na nga ang chika na nagkabalikan na sila ni Rambo.

Samantala, swak na swak daw ang offer ng Guitar Apparel kay Maja para maging brand ambassador ng mga bago nitong produkto. Inamin niyang bata pa lang siya ay Guitar user na siya kaya feeling lucky and blessed ang dalaga nang siya ang mapili para maging endorser ng bagong clothing line ng kumpanya.

“Gustung-gusto ko ‘yung white and black shirt and denim pants nila kasi talagang ‘yun ang isinusuot ko kapag wala akong trabaho. Ganu’n lang ang suot ko kapag dumadalaw ako sa ABS-CBN du’n kasi ako kumportable,” chika ni Maja pagkatapos mag-perform on stage.

Naniniwala naman ang mga taong nasa likod ng Guitar Underwear & Apparel na perfect si Maja sa kanilang mga produkto dahil taglay din ng dalaga ang pagiging versatile at dahil nga 60 years na sila ngayon sa market, ibabandera ni Maja ang kakaibang ganda at kalidad ng Guitar na 100% gawang Pinoy.

Sinuportahan din si Maja sa nasabing event ng mga kapamilya niya sa Guitar tulad nina Gloc 9 at Carlos Agassi na matagal nang endorser ng Guitar undergarments.

Bukod sa underwear, t-shirt and denim collection may uniform series, polo shirt and sock series din ang Guitar kaya talagang pang-buong pamilya ang kanilang produkto.

Read more...