Maymay, Kisses mala-Nora at Vilma ang labanan


INAMIN ng magkaibigang Maymay Entrata at Kisses Delavin na kung minsan ay nagkakaroon din sila ng tampuhan at hindi pagkakaintindihan.

Naniniwala ang dalawang Kapamilya youngstars na natural lang sa magkakaibigan ang mga ganitong emote pero at the of the day, sila-sila pa rin ang magkakasama at nagtutulungan kapag may mga problema.

Sabay na humarap sa entertainment media sina Maymay at Kisses sa nakaraang presscon ng iWant para sa kanilang mga digital content, kabilang na ang comedy series na Alamat Ng Ano kung saan bibida ang magkaibigan sa isang episode.

Gaganap sila bilang sina Nura (Maymay) at Velma (Kisses) na hango sa makasaysayang rivalry sa showbiz ng Superstar na si Nora Aunor at ng Star for All Seasons na si Vilma Santos.

At tulad nga ng kumpetisyon sa pagitan nina Ate Guy at Ate Vi, hindi rin maiiwasan na pag-awayin at pagkumparahin sina Maymay at Kisses lalo na ng kanilang respective fans.

Kaya sa presscon ng iWant Indigital kung saan nga kasama sa in-announce ang pagbibidahang episode sa Alamat Ng Ano ng magkaibigan, natanong kung nagkakaroon din ba sila ng hindi pagkakaunawaan at kung apektado ba sila sa pangnenega ng mga bashers.

“Kapag magkakaibigan, hindi talaga maiiwasan na may tampuhan, may problema pero sa huli, kapag nag-usap kayo ulit, baka babalik na rin ‘yung memories n’yo tapos magiging okay kayo ulit. Parang magkapatid lang. Hindi n’yo alam na okay na pala kayo,” pahayag ni Maymay.

Sey naman ni Kisses “At saka ‘yung showbiz kasi temporary lang naman, eh. Like for example, in five years, iba na naman ‘yung sikat, iba na naman ‘yung mga artista so what matters most is the friendship that stayed.”

Hindi ba sila nagdalawang-isip na tanggapin ang Alamat Ng Ano dahil posibleng pagmulan uli ito ng away sa pagitan ng kani-kanilang fans.

“Hindi kami nagdalawang-isip po,” agad na sagot ni Maymay. “Nagtsa-chat pa nga kami, excited pa nga kaming dalawa.

“Tapos, nu’ng time din naman na yun nagsu-shoot kami, nag-uusap din kami about sa nag-aaway na fans. Para sa amin, pinapabayaan na lang namin,” dagdag pa ng ka-loveteam ni Edward Barber kasabay ng pagsasabing hindi nila tino-tolerate ang mga palaaway nilang supporters.

Ito naman ang pahayag ni Kisses, “Hindi naman po maiwasan talaga na ‘yung society natin, pinag-aaway ‘yung mga babae sa isa’t isa. Pero ang masasabi ko lang, it’s so unfair for girls kasi parang nape-pressure sila lagi and ‘yung friendship, minsan nasisira. Pero, ang masasabi ko lang, talagang matira matibay sa mga friendships ngayon.”

Bilang sina Nura at Velma magkakaroon ng sakitan at tarayan ang magkaibigan na talaga raw in-enjoy lang nila, “Sabi ni Direk (Lemuel Lorca), ‘O sige, mag-ano lang kayo diyan, gawin niyo lang kung anong gusto n’yo, mag-away kayo kung gusto niyo, magsabunutan kayo, tapos si Direk na bahala kung anong kukunin niyang eksena.”

Kuwento naman ni Kisses, “For example po, may sa putikan. May eksena po kasi du’n na may palo-palo sa labahan. Tapos, ang akala ng tao, napakasakit nu’n pero it’s actually styrofoam, so sobrang saya. May scene din po du’n na nag-wrestling kami tapos tawa kami nang tawa. Super saya ng taping.”

Samantala, mapapanood na sa iWant ang Alamat Ng Ano kung saan bibida rin sa ibang episodes sina Donny Pangilinan, Melai Cantiveros, Ejay Falcon, Jake Cuenca, Donna Cariaga, AC Bonifacio, Boyband PH, Ketchup Eusebio at Dominic Ochoa.

Panoorin ang mga palabas ng Indigital at iba pa nang libre sa iWant sa iOS o Android apps o sa web browser sa iwant.ph.

Read more...