RR Garcia, Player of the Week

SA ikalawang sunod na taon ay humarurot sa 4-0 start ang Far Eastern University Tamaraws sa UAAP men’s basketball tournament.

At sa linggong nagdaan ay si Ryan Roose “RR” Garcia ang nagbida para sa wala pang talong Tamaraws. Dahil dito ay pinarangalan ang dating Most Valuable Player ng liga bilang ACCEL 3XVI UAAP Press Corps Player of the Week.

Noong Sabado ay pinangunahan ni Garcia ang atake ng FEU para masungkit ang 83-79 panalo sa overtime laban sa La Salle Green Archers. Umiskor siya ng 19 puntos at kumulekta ng limang rebounds, tatlong assists, dalawang steals at dalawang blocks off the bench.

Bukod sa gumawa siya ng walong puntos sa fourth period ay nagbigay pa siya ng magandang assist kay Mac Belo na nagbuslo ng game-tying basket na nagpuwersa ng overtime.

Sa torneo, si Garcia ay may average na 16.3 puntos, 4.8 rebounds, 3.0 assists, 2.0 steals, at 1.0 block per game.

Sa pagkamit ng parangal, tinalo ni Garcia sina Bobby Ray Parks ng National University, JP Erram ng Ateneo de Manila University, at ang kakamping si Terrence Romeo.

Read more...