GUILTY ang hatol ng Sandiganbayan Fourth Division sa isang kongresista na sinampahan ng walong kaso ng graft kaugnay ng maanomalyang pagbili ng P16.1 milyong emergency supplies noong 2001.
Si Samar Rep. Milagrosa Tan ay hinatulan ng anim hanggang 10 taong pagkakakulong sa isang kaso at sa pitong kaso ay tig-walo hanggang 15 taong pagkakakulong.
Kasama sa hatol ang pagbabawal kay Tan na muling humawak ng posisyon sa gobyerno. Pero dahil maaari pang iapela ang kaso ay maaari pa siyang tumakbo sa pagkagubernador sa eleksyon sa Mayo.
Guilty rin ang hatol sa kanyang mga kapwa akusado na sina Rolando Montejo at Reynaldo Yabut.
Pinawalang-sala naman sina Romeo Reales, Maximo Sison, at Numeriano Legaspi dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Hindi pa inilalabas ng korte sa media ang kabuuang ng desisyon habang isinusulat ang balitang ito.
Upang hindi arestuhin pinaglagak ng korte ng dagdag na P240,000 si Tan habang dinidinig ang apela nito.
“The Sandiganbayan would always require the accused to double the bond for them to enjoy provisional liberty,” saad ni Associate Justice Alex Quiroz, chairman ng dibisyon.
Hindi umano dumaan sa public bidding ang pagbili ni Tan ng mga emergency supplies para sa mga biktima ng bagyong Kidang.