Trapik indikasyon nga ba ng malusog na ekonomiya?

NAKAKATUWA pansinin na sa gitna ng mga bintang na sumasama ang ekonomiya ng bansa ay tumitindi naman ang kompetisyon sa pagitan ng mga car brands sa Pilipinas.

Sa totoo lang, ang isa sa barometer ng kalusugan ng ekonomiya ng bansa ay ang manufacturing industry.

At isa sa pinakamaling industriya ng paggawa ay ang car assembly and sales industry.

Ang automobile industry ay nagbibigay trabaho sa libo-libong Pilipino sa buong bansa, mula sa kanilang assembly and manufacturing plants sa Sta. Rosa Laguna at Clark, sa mga head office nila sa mga CBD’s tulad ng Makati, BGC at Ortigas, hanggang sa mga showroom at sales offices sa napakaraming siyudad at bayan across the nation.

Idagdag niyo na rito ang mga allied industries na nabubuhay dahil sa car industry, tulad ng gumagawa ng upuan, brake parts, gulong, rim, salamin, stereo atbp. Lahat ng mga allied industries na ito ay nagbibigay trabaho sa mamamayan at kita sa bayan.

Sa pagpasok ng ikatlong buwan ng 2019, agad mong makikita ang matinding bakbakan ng mga car companies para makuha ang choice ng mga bibili ng kotse.

Ang Toyota lamang, ang pinaka-sikat na car brand ng kotse sa bansa, ay agad naglabas ng tatlong bagong kotse simula ng 2019. May bagong Vios, RAV-4 at Hi-Ace.

Ang Kia ay mabilis na naglabas ng bagong Soluto matapos na bilhin ito ng Ayala. In fact, yun lamang pagbili ng Ayala ng Kia sa bansa ay indikasyon na ng malusog na industriya ng kotse sa bansa.

Ang Hyundai ay agad na inilabas ang kanilang bagong Reina upang tapatan ang Soluto ng Kia. Ang Nissan ay iprinisinta naman ang limited edition na Nissan Terra Lava Flow Red upang ma-solidify ang kanilang hawak sa SUV market.

Isama mo na rito ang mga kilos ng Suzuki at Mitsubishi, ang imbitasyon ng Volkswagen at Chevrolet sa Shanghai Auto Show at ang iba pang mga aktibidad ng mga car brands at makikita natin ang patunay na malusog ang auto industry natin.

At ang ugat ng kalusugang ito ay ang kagustuhan nang halos lahat ng Pilipino na makabili ng sarili nilang kotse. Ibig sabihin, may kakayahan o may pera tayo para bumili ng kotse.

Sa isang banda, may katotohanan din yata ang sinabi ni dating DOTC secretary Mar Roxas, na ang trapik ay isang senyales ng lumulusog na ekonomiya. Nakalimutan lang yata niya na trabaho niyang ayusin ang trapik na iyon noon.

Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com

Read more...