Hanggang ngayong linggo na lang ang seryeng Asawa Ko, Karibal Ko na pinagbibidahan nina Kris Bernal, Thea Tolentino at Rayver Cruz na nagsimula noong Oktubre, 2018.
Hindi na nakakauwi ng bahay nila si Rayver dahil araw-araw ang taping niya, uuwi lang siya kapag maliligo at kukuha ng gamit.
Nakatsikahan namin ang taong malapit sa aktor at nagkuwento nga ito kung paano hinaharap ngayon ni Rayver ang pangungulila sa yumaong ina na si Gng. Melody “Beth” Cruz.
“Idinadaan na lang niya sa work, hayun nagpapaka-busy at okay naman siya. Work lang siya nang work,” sabi sa amin.
Sumakto nga raw na bukod sa Asawa Ko, Karibal Ko ay may Studio 7 pa siya sa GMA tuwing Linggo kaya wala siyang masyadong oras para mag-isip ng kalungkutan.
“After siguro ng Asawa Ko, Karibal Ko, doon na ‘yan makakapag-isip kasi as of now wala pang follow-up serye, sabi inaayos pa pero siguradong meron naman. So, isang show lang muna siya,” sabi pa sa amin ng malapit sa aktor.
Ganito rin ang kuwento ni Lotlot de Leon na kasama ni Rayver sa serye, sobrang propesyonal ng aktor at hindi nila pinag-uusapan ang nangyari. Dikit si Rayver kay Lotlot na ina ng girlfriend niyang si Janine Gutierrez.
Anyway, ang fantaseryeng Dragon Lady ni Janine ang papalit sa seryeng Asawa Ko, Karibal Ko.
Si Tom Rodriguez ang leading man ni Janine sa bagong Kapuso serye mula sa direksyon ni Paul Sta. Ana.