“‘YUNG bagang ko nagdugo!” ‘Yan ang pambubuking ni Vice Ganda tungkol sa isang eksena niya sa pelikulang “Girl, Boy, Bakla, Tomboy” (2013) kung saan sinampal siya ni Maricel Soriano nang bonggang-bongga.
Kuwento ng Phenomenal Box-Office Star, ibang klase raw talaga kung manampal ang Diamond Star, talagang mapapangiwi ka sa sobrang sakit.
“Oo, Grabe! Yung bagang ko nagdugo talaga. Kinausap niya ang direktor namin si direk Wenn (Deramas). Sabi niya, ‘Direk, isa lang ito. Isang beses lang nating gagawin ito, kaya kunan na natin nang maayos.’ Di ba usually kapag pelikula, maraming shots?
“‘Yun, ginawa sabay-sabay na ‘yung shots, lahat ng camera sinet na kasi isang sampalan lang. ‘Sabi ko, isang sampal, itotodo ito.’ Sabi kong ganu’n,” ani Vice sa panayam ng Magandang Buhay.
“So, pak! Pagkatapos, hagulgol talaga ako. Sobrang hagulgol ako, akala nila dahil sa eksena pero nasasaktan ako talaga. Nanalo ako ng Best Actor award sa Star Awards dahil sa sampal na ‘yon,” pahayag pa ni Vice.
Dito rin naikuwento ni Vice na bata pa lang siya ay idol na idol na niya si Maria at ngayong close na sila, nanay na rin ang turing niya rito, “Anak talaga ako niyan. Nanay ko ‘yan. ‘Yung kapag hindi kami nagkita, nami-miss ko siya.
Parang ‘yung totoong nanay ko, kapag hindi kami nagkikita, parang ang laki ng pagkukulang ko sa kanya.”
Sey naman ni Maricel, totoong tao at very sweet si Vice kaya napalapit ito sa kanya.