Tekla may launching movie na: Nakakaiyak po ‘yung feeling!

SUPER TEKLA

IN FAIRNESS, wala talagang tigil ang dumarating na blessing sa Kapuso TV host-comedian na si Super Tekla.

Bukod sa paghataw sa ratings game ng bago niyang comedy show na The Boobay And Tekla Show with equally talented comedian na si Boobay, heto’t may bago na naman siyang project.

Kung hindi kami nagkakamali, si Super Tekla ang napili ng GMA Films na bumida sa bagong pelikulang gagawin nila this year. Ito ang magsisilbing comeback film ng movie company ng Kapuso Network makalipas ang ilang taon.

Sa panayam ng GMA News kay Tekla sinabi nitong hindi pa rin siya makapaniwala na magkakaroon na siya ng launching movie, “Ganito pala ang pakiramdam. Nakakaiyak, hindi ko akalain na darating ako sa ganitong punto.

“Thank you talaga dahil binigyan ako ng napakagandang break,” sabi pa ng komedyante pagkatapos ng ginanap na story conference.

“Sabi ko nga sa sarili ko, kapag binigyan ka ng responsibillidad parang nakakatakot, pero bihira maging bida.

“Nasa cloud nine pa ako ngayon, ninanamnam ko pa. Kasi akalain mo, nanonood lang ako dati ng pelikula. Ang focus ko ngayon is kung paano ko ma-internalize ‘yung role ko, mailapat ko nang tama sa movie,” sabi pa ng TBATS host.

“Sa show namin ni Boobay, doon pa lang, liglig, siksik, umaapaw na. Wala na akong mahihiling pa, sobrang thankful at blessed ko,” dagdag pa ng TV host-comedian.

Makakasama rin ni Tekla sa nasabing pelikula sina Kim Domingo, Derrick Monasterio, Jo Berry, Divine Tetay at Kiray Celis, with the special participation of Ai Ai delas Alas, sa direksyon ni Adolf Alix, Jr..

Read more...