Manyak na mga pari, magsisi na kayo!

KATATAPOS lamang ng tatlo’t kalahating araw na “Vatican summit on clergy sex abuse” na ipinatawag ni Pope Francis kung saan dumalo ang 190 Catholic leaders sa buong mundo para talakayin ang mga “sexual abuses” ng mga pari.
Noong 2010, si Pope Benedict ay nag-isyu ng “public apology” sa mga sexual abuses ng mga pari noon sa Ireland.
Ayon kay Pope Francis, hindi na kailanman itatago ng Simbahan ang isyu ng sexual abuse. Ang “summit” ay inatasan niyang gumawa ng mga mekanismo para hikayatin ang mga biktima na magreklamo.
Nauna rito, tinanggalan ng abito ni Pope Francis si dating US Cardinal Theodore Derrick matapos mambiktima ng lalaking teenager 50 years ago.
Kasama sa nagtalumpati sa Vatican summit si Manila Archbishop Luis Cardinal Antonio Tagle na napaiyak sa umano’y mga malalim na sugat na ibinigay ng mga obispo at abusadong pari sa mga biktima.
Kasama rin kaya sa iniyakan ni Cardinal Tagle ang mga pang-aabuso sa Pilipinas?
Noong 2002, si CBCP president Orlando Quevedo ay nag-isyu rin ng public apology dahil 200 sa higit 7,000 pari sa bansa ay may reklamong sexual misconduct, kabilang ang child abuse, homosexuality, at love affairs
Noong 2011, si Butuan Bishop Juan de De Leon Pueblos ay inakusahan ng “cover-up” kay Father Fraul Cabonce na umano;y nanggahasa nang paulit-ulit sa isang 17 year old high school graduate at scholar ng St. Anne Parish.
At nitong 2017 isang Monsignor Arnel Lagarejos sa Antipolo Diocese ang hinuli ng pulis sa aktong dadalhin sa “motel” ang 13 years old na out of school na babae.
Kalat din ang mga balitang may obispo na nagkaanak sa isang babae at pinagretiro na lamang ng Simbahang Katoliko. Meron ding balita na isa pang obispo na umano’y meron ding asawa.
Nitong nakaraang linggo, sa Oakland California, USA, inilathala ang pangalan ng 45 pari , deacons at “religious brothers” na inireklamo ng sexual misconduct mula pa noong 1960’s hanggang ngayon.
At sa katatapos na Vatican summit, tinuruan ang 190 na obispo sa buong mundo ng “step by step lesson” mula kay Senior sex crime investigator Archbishop Charles Scicluna kung paano iimbestigahan ang mga sexual abuse cases sa kanilang parokya.
Dapat makipag-ugnayan ang simbahan sa mga pulis o imbestigador at kumuha ng “lay experts” sa imbestigasyon.
Ibulgar din ang mga pangalan ng pari sa kanilang komunidad kapag may desisyon na sa isasampang kaso. Bukod diyan, meron daw dapat “right to damages” mula sa simbahan ang mga biktima ng “sexual abuse”.
Sa aking palagay, pag-uwi ni Manila Archbishop Tagle ay magbibigay ng bagong mukha ng ating Simbahang Katoliko. Isa na riyan ang isyu ng sexual abuse ng mga pari.
Isipin niyo, mismong si Santo Papa ay umamin na nagkamali siya nang mag-cover-up sa isang kaso ng Arsobispo sa Chile.
Dito kaya sa atin ay magkaka-aminan na? Mabulgar na rin kaya ang mga pangalan ng mga paring may reklamo ng “sexual abuse”? o Iyong mga paring nakabuntis ng madre o lay woman sa kanilang parokya.
Abangan natin ang gagawin ni Archbishop Tagle. At sana po, magbago na ang mga manyak na pari!

Read more...