PUMANAW na ang indie actor na si Kristofer King, o Christopher Reyes sa tunay na buhay, kagabi, Feb. 23.
Ayon sa ulat, naisugod pa si Kristofer sa Adventist Medical Center Manila Sabado ng umaga kung saan napag-alaman na sandaling tumigil ang pagtibok ng puso nito. Tuluyang namaalam ang aktor kinagabihan habang nasa ICU.
Wala pang detalyeng inilalabas ang pamilya ng aktor kung ano talaga ang sanhi ng kanyang pagkamatay. Pero diabetic daw si Kristofer na nagkaroon na ng iba’t ibang kumplikasyon tulad ng infection, pneumonia, heartburn at sciatica.
Nang isugod daw sa ospital ang aktor, agad na humingi ng tulong pinansiyal ang pamilya nito kay Coco Martin ngunit ilang oras nga lang ang nakalipas ay binawian na ito ng buhay. Siguradong apektado ngayon ang Teleserye King sa pagkawala ng indie actor.
Matagal na kasing magkaibigan ang dalawa dahil pareho silang nagsimula sa mga indie movies. Sa katunayan, si Coco rin ang kumuha kay Kristofer para magkaroon ng partisipasyon sa kanyang primetime series na FPJ’s Ang Probinsyano.
Bumaha ng pakikiramay at dasal sa social media para sa kay Kristofer mula sa mga kaibigan at nakatrabaho ng aktor. Una na nga riyan ang kaibigan niyang award winning director na si Brillante Mendoza.
Nag-post ito ng litrato ni Kristofer sa kanyang social media account na may caption na, “You will always be my best actor. I will miss u King.”
Ilan sa mga pelikulang pinagsamahan nila ay ang “Masahista” (2005), “Serbis” (2008), “Captive” (2012), at “Alpha: The Right To Kill” (2018).
Lumabas din ang aktor sa ilang Kapuso series tulad ng The Stepdaughters at Inday Will Always Love You. Huling napanood si Kristofer nitong Sabado rin sa episode ng Tadhana kasama si Diana Zubiri, ang araw mismo ng kanyang kamatayan.
Napapanood din siya sa anti-piracy campaign na ipinalalabas sa mga sinehan kasama si Derek Ramsay kung saan gumanap siyang pirata ng mga pelikula.