“HINAHAMON ko kayo, on March 8, let’s see each other.” Yan ang challenge ni Kris Aquino sa magkapatid na Jesus at Nicko Falcis kaugnay ng mga kasong isinampa nila laban sa isa’t isa.
Naghain ng counter-affidavit ang Social Media Queen sa opisina ni Fiscal Rolando Ramirez ng Office of the Prosecutor sa Quezon City, kamakalawa sa kasong grave threats laban sa kanya ng Falcis brothers na hindi naman sumipot sa hearing.
Kasama ni Kris ang mga anak na sina Joshua at Bimby sa korte at ang legal counsel niyang si Atty. Eloisa DV. Sy ng Divina Law.
Dito ipinagtanggol ni Kris ang sarili sa akusasyon nina Nicko at Jesus na pinagbantaan niya ang kanilang buhay. Kasabay nito, muli siyang humingi ng paumanhin sa mga nasabi niya laban sa dating business partner.
“Again, I would like to say a sincere apology because, in the heat of the moment, I said things that I should not have said,” simulang pahayag ni Kris na ang tinutukoy ay ang recorded phone conversation nila ni Nicko.
Ayon pa sa mama nina Bimby at Joshua, “May I just put everything in its proper context? Everything I’ve been accused of happened September 27 to be very exact. That was the last time we ever spoke to each other.
“I think normal lang ang naging reaksiyon ko, although humihingi ako ng paumanhin na dinamay ko ang pamilya ko. Pero kasi, it was not an easy day for me because that was the day I got my initial medical reports.
“And I think for anybody, most especially someone na nag-iisang pinapalaki ang kanyang dalawang anak, yung prognosis na nakuha ko nu’ng panahon na yun, hindi maganda. And it was a very emotional moment for me,” aniya pa.
Dugtong pa ni Kris, “I think, lahat ng nanay at tatay siguro, maiintindihan na pag nakita mo, pag umiiyak ang anak mo, lahat ng galit lalabas talaga.
“I know, as a parent, I should give a good example sa mga anak ko. Ang mga bagay, lalung-lalo na pag nasasaktan ka, hindi dapat idinadaan sa dahas ang pag-aayos nu’n,” ani Kris.
Pagpapatuloy pa niya, “Sana naman sila, tigilan na nila ako. Sumusobra rin naman. At ang lahat ng tao, kahit siguro pinaka-angelic na tao ka na, kahit madre, kahit pari siguro, pag araw-araw iniinsulto ang pagkatao mo, bibigay ka rin.”
Hindi pa nagkikita sina Kris at Nicko mula nang magsampahan sila ng kaso, kaya ang sabi ni Kris, “I’m so looking forward to finally seeing them. Ang tapang-tapang sa social media, pero ano na bang araw ngayon?
“Today is already Feb. 22 (last Friday) and they still have not had the courage to face me. Di ba? Parang, sorry ha, pero andami niyong sinabi laban sa akin. Pero hindi niyo naman ako kayang harapin.”
“So, hinahamon ko kayo. On March 8, let’s see each other. And I would like to request the press to not be present. Para hindi ito maging circus. Gawin natin ito sa tamang paraan.
“Respetuhin natin ang batas ng Pilipinas at magharap tayo. Kung anu-anong binibintang niyo sa akin. Pero ako, lahat ng binintang ko sa inyo, ni minsan hindi niyo pa rin kayang sagutin.
“So, magharap tayo with nobody. Let this not be a trial by publicity. But let this be a trial in the Philippine court system, which I respect. And I do believe that justice will be served because I know I am innocent,” ang mariin pang sabi ni Kris.