DA who ang isang kontrobersiyal na opisyal na isinusuka ng paaralang pinagtapusan dahil sa kanyang nakakahiyang inasal?
Kamakailan ay kaliwa’t kanan ang nakuhang pagbatikos ng opisyal mula sa mga iba’t ibang personalidad partikular sa mga mambabatas dahil na rin sa kanyang naging pahayag.
Halata kasi na nagpapalapad lamang ng papel ang opisyal kayat hindi man lang pinag-isipan ang kanyang sinabi.
Ang ending, imbes na kampihan, sinabihan pa ang opisyal na mag-aral muna ng batas bago magpasikat.
Hindi naman kasi abogado ang opisyal at hindi rin naman naitalaga dahil sa kanyang naging educational background.
Kilala kasi ang opisyal na isa sa mga maiingay noon kayat hindi kataka-taka na nabigyan ng pwesto sa gobyerno.
Ang nakakatawa, bagamat nasa kabilang panig, nakilala ang opisyal at nabigyan ng pwesto sa gobyerno dahil sa kanyang ginagawa noon at iyon naman ang kanyang nais ipagbawal ngayon at nais pang parusahan ang mga gustong makilahok.
Balik tayo sa paaralan ng opisyal, viral ngayon sa social media ang ulat na tinanggal na ang suporta ng kanyang kapwa nagtapos sa paaralan dahil sa kanyang ginawa.
Noong una kasi, binati pa ang opisyal at pinagawan ng malaking karatula ng paaralang kanyang pinanggalingan dahil sa hindi inaasahang posisyon sa gobyerno na kanyang nakuha.
Pero ilang araw matapos ang pagkakasangkot sa kontrobersiya, agad na tinanggal ang karatula.
Halatang ayaw nang malaman ng mga ka-alumni sa naturang paaralan na doon mismo galing ang opisyal.
Maging kasi ang Malacanang ay hindi siya kinampihan sa kanyang pagpapasikat.
Ewan kung may nagawa ba ang opisyal sa kanyang ahensiyang kinabibilangan na dati ngang hindi naririnig ang kanyang pangalan.
Matigas din ang paninindigan ng opisyal na hindi magbibitiw sa pwesto.
Wag na lang gawing isyu ang kontrobersiyang kinasangkutan ng opisyal kung dapat na siyang sibakin, tingnan na lang kung may nagawa ba siya para sa sektor na kanyang pinaglilingkuran.
Gusto nyo ba ng clue? Mismong Palasyo ang nagsabi sa opisyal na dapat ay humingi siya ng payo sa kanyang pinalitan na kusang nagbitiw sa pwesto.
Yun na.