NAGPAALALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na malapit nang matapos ang pamimigay nito ng P5,000 fuel card sa mga kuwalipikadong operator ng pampasaherong jeepney.
Sa advisory ng LTFRB, sinabi nito na maaaring kumuha ng fuel card ang mga operator-driver kung kanino nakapangalan ang prangkisa mula Pebrero 18-22 at Pebrero 26 hanggang Marso 1.
Para sa mga taga-National Capital Region maaaring pumunta sa tanggapan ng Land Transportation Office sa East Ave., Quezon City.
Para naman sa ibang rehiyon ay maaaring kontakin ang tanggapan ng LTFRB sa nakasasakop na rehiyon.
Sa mga operator na hindi makakapunta maaaring ipakuha ito sa iba basta magpadala ng notaryadong special power of attorney. Ang form ay maaaring i-download sa website at social media account ng LTFRB.
Kailangan din ang orihinal at photocopy ng ID ng franchise holder at representative.
Kailangan din ang orihinal na OR/CR, CPC o proof of franchise at litrato.