Likido pwede na ulit sa MRT3 pero kailangan mag-sample
MAAARI na muling magpasok ng mga likido na lagpas sa 100 milliliter sa Metro Rail Transit 3.
Pero ayon sa inilabas na abiso ng MRT3 kailangang mag-sample ng may ng likido para payagan ito.
“…ngunit kinakailangan po itong i-test (inumin kung tubig, i-spray kung pabango, ipahid sa kamay kung lotion o rubbing alcohol, atbp.) sa harap ng aming security personnel para sa beripikasyon,” saad ng MRT3.
Ipinaalala rin ng MRT3 na maaaring kunin ng mga may-ari ang kanilang mga liquid item na nakumpiska ng ipagbawal ang pagpasok ng likido sa mga istasyon.
Ang mga ito ay nasa Station Control Room ng istasyon kung saan ito nakumpiska.
Kailangan lamang magpakita ng identification card sa Station Supervisor upang makuha ang kinumpiskang item.
“Ipinababatid din namin na ang mga nakumpiskang liquid item na hindi na-claim matapos ang labing-apat (14) na araw ay idi-dispose na ng pamunuan ng MRT-3.”
Hinigpitan ng MRT3 ang pagpasok ng mga likido matapos itong makatanggap ng bomb threat at magkaroon ng mga pagsabog sa Mindanao.
Pansamantala namang sinuspendi ng Light Rail Transit 2 ang pagbabawal sa mga likido habang hinihintay pa ang implementing rules and regulation mula sa Office for Transportation Security.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.