Inday Sara sa 2022?

HOW true itong kumakalat na balita na matapos ang eleksyon sa Mayo ay Charter change naman ang aatupagin ng administrasyon?

Ito umano ang dahilan kaya ang binubuhat ng administrasyon ay ang mga kandidato sa pagkasenador na sigurado na hindi sila iiwan kapag nanalo na.

Sa Kamara de Representantes ay kumpiyansa ang administrasyon na madali nitong makukuha ang kinakailangang three-fourth vote o 75 porsyento ng kabuuang bilang ng mga kongresista.

Ang magiging malaking hamon ay kung makukuha ang three-fourth votes sa Senado. Mayroong 24 na senador at ang kailangan ay 18 boto.

Naniniwala ang marami na totoo ang sinasabi ni Pangulong Duterte na pagod na ito. Kaya ang iniisip nila ang ginagawa ng administrasyon ay paghahanda para kay presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte.

Kung hindi matutuloy ang ChaCha, hindi umano malayo na tumakbo si Mayor Duterte sa pagkapangulo sa 2022, kapalit ng kanyang tatay. Wala namang masama rito at hindi naman ipinagbabawal ng batas.

Ang tingin ng marami, ang pagtatayo niya ng Hugpong ng Pagbabago, na isa pa lamang regional political party, ay bahagi na ang preparasyon. Sa 2022 elections ang HNP ay maaaring magpa-accredit na bilang isang national political party na magagamit niyang makinarya papunta sa Malacanang.

Kaya kung naglilibot na ang alkalde ngayon, maaaring practice na umano ito sa presidential race.

At gaya ng nakita natin sa kasaysayan ng pulitika ng bansa, nakasalalay sa nakaupong pangulo kung sino ang susunod na maluluklok sa Palasyo.

Noong nakaupo si Pangulong Cory Aquino ang puna ay mahina daw sa pamamalakad kaya ang ipinalit ay sundalo—si FVR. Ang ipinalit sa kanya ay makamasa na si Pangulong Erap Estrada na mahina daw kaya pinababa at pinalitan ng ekonomistang si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ngayon ay speaker ng Kamara de Representantes. Inakusahan na korupt at ang ipinalit ay ang malinis na si Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

Pero mabagal daw umaksyon si PNoy kaya ang ipinalit ay si Du30 na ipinagmamalaki ang Davao City na ilang taong pinamumunuan ng kanyang pamilya.

Kung magagawa ni Du30 ang kanyang mga ipinangako, bagamat usog ng usog ang deadline, ay malaki ang tyansa ni Mayor Inday.

Kung matatapos ng administrasyon ang mga malalaking proyekto ng gobyerno at giginhawa ang buhay ng mga Pinoy sa ilalim ni Du30 baka manalo ang mayora.

At baka sa kasaysayan ng pulitika ng bansa ay mayroong mag-ama na kapwa naging Pangulo.

Read more...