Paolo handa nang pakasalan si LJ; grabe ang sakripisyo kay Summer


MAY plano na ring magpakasal sina Paolo Contis at LJ Reyes. Ito ang kinumpirma ng Kapuso actor sa nakaraang presscon ng bago niyang serye sa GMA, ang Hiram Na Anak.

Ayon kay Pao, may mga inaayos na lang sila ni LJ ngayon and in God’s time raw, mapapakasalan na rin niya ang nanay ng kanyang anak na si Summer Ayanna. Iyon naman daw talaga ang balak niya at lagi niyang ipinagdarasal na sana’y mas lalo pang tumibay ang relasyon nila ni LJ habang dumadaan ang panahon.

Nilinaw din ni Pao ang chika na mas hands on daw siya ngayon kay Baby Summer kesa sa mga anak nila ng kanyang dating asawang si EB Babe Liaz Paz. Halos pareho lang daw ang effort na ibinigay niya sa mga anak niya kay Lian at sa baby nila ni LJ.

Ang kaibahan nga lang, may social media na ngayon para mai-share sa buong universe ang mga bonding moments nilang mag-ama. Dagdag pa ni Paolo, hindi rin naman siya nagkulang ng pagmamahal at pag-aalaga noon sa unang dalawang anak. Nasa pangangalaga ni Liaz sina Xonia at Xalene.

Kitang-kita sa itsura ng aktor ang kaligayahan sa present status ng kanyang personal life, lalo na kapag nagkukuwento siya sa mga bonding moments nila ni Baby Summer. Sa katunayan, maraming nagkokomento na napakaswerte ni LJ kay Pao na talagang nag-e-effort para alagaan ang baby nila.

Kaya sa kanyang Instagram account, nag-post si LJ ng mensahe para magpasalamat sa kanyang partner dahil sa mga sakripisyong ginagawa nito para sa kanilang pamilya. Pinusuan naman ito ng libu-libong netizens.

“Alam ko tapos na Valentine’s Day, pero gusto ko lang mag thank you. Thank you sa pagtulong sa pag alaga kay Summer pag nasa bahay ka. Thank you sa pagbuhat sa kanya para makakain ako. Thank you sa pagdelay mo ng errands mo para makaligo ako.

“Thank you sa simpleng pag abot sakin ng silicone pump sa madaling araw. Thank you sa pagpalit ng diaper ni Summer lalo na kapag di na ako makabangon dahil pag-nurse nalang ang kaya ng diwa ko minsan sa madaling araw. Thank you sa pag-ride mo sa listahan ko ng feedings and nappy changes nya kahit meron ng mobile app para dun (haha!).

“Thank you dahil ginagawa mo lahat ng ‘to kahit pagod at puyat ka sa trabaho mo. This feeling reminds me very well of the poem I wrote for you around the time this photo was taken.

“You have so much love to give that I know the world took away from you too! But now, there’s just so much love in you! I’m just glad I’m witnessing this unfold right before my eyes! I love you @paolo_contis!?” mahabang post ng Kapuso actress.

Ito naman ang reply ni Pao sa kanyang life partner, “Wow thanks Love. I’m speechless. But thank you for appreciating me. I love you and you know I love doing these things for you. Thank you for everything!”

Samantala, muling aariba ang pagiging kontrabida ni Paolo sa bagong daytime series ng GMA na Hiram Na Anak kung saan makakasama niya sina Yasmien Kurdi, Dion Ignacio, Empress Schuck at Lauren Young.

Gaganap siya bilang si Benjo, dating seaman na lover ni Dessa (Lauren) pero mabubuntis ang sales lady na si Wena (Empress). Sa trailer pa lang ng serye, mukhang isa na namang challenge ang haharapin ni Paolo. Ipinakita kasi ang eksena kung saan tinaga siya ni Empress dahil sa panloloko nito.

Gaganap naman bilang Miren at Adrian sina Yasmien at Dion sa Hiram Na Anak, ang mag-asawa hindi bibiyayaan ng anak kaya magdedesisyon silang mag-ampon. Dito na magsisimulang magulo ang kanilang pagsasama, idagdag pa ang matapobre at dominanteng nanay ni Adrian na si Hilda (Rita Avila) na siyang magpapahirap sa buhay ni Miren.

Paano magiging konektado ang buhay nina Miren at Adrian at ang masalimuot at bayolenteng pagsasama nina Benjo, Dessa ar Wena? ‘Yan ang tutukan sa pagsisismula ng Hiram Na Anak ngayong Feb. 25, bago mag-Eat Bulaga sa GMA 7 lang.

Makakasama rin dito sina Vaness del Moral, Sef Cadayona, Maey Bautista at ang child star na si Leanne Bautista, sa direksyon ni Gil Tejada, Jr..

READ NEXT
Loan sa OWWA
Read more...