NADAKIP ang isa sa mgs suspek sa pagpatay sa election officer ng Mabini, Batangas, nang magsagawa ng operasyon ang pulisya sa Sariaya, Quezon.
Naaresto ang suspek na si Antonio Marasigan alyas “Bayawak,” 53, sa Brgy. Manggalang Bantilan, dakong alas-7:30 ng gabi Lunes, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng arrest warrant para sa kasong murder.
Isa si Marasigan sa dalawang suspek sa pagpatay kay Noel Miralles, ang COMELEC officer ng Mabini, sa bayan ng Bauan noong Hunyo 2018.
Nalista siya bilang ikalawang most wanted person sa lalawigan ng Batangas dahil sa insidente.
Samantala, naaresto din ang isang dating barangay chairman ng Calatagan, Batangas, na suspek sa isa pang kaso ng pagpatay.
Nadakip si Manolo Delos Reyes sa Oroquieta st., Sta. Cruz, Manila, pasado alas-11 ng umaga Martes.
Nahaharap si Delos Reyes sa kasong murder sa bayan ng Balayan, at itinuturing na isa sa top 10 most wanted persons sa Batangas.