PINAHIRAPAN, pinagbabaril, at binansagan pang tulak ng iligal na droga ng mga di pa kilalang salarin ang isang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa Lupi, Camarines Sur.
Kinumpirma ni PDEA chief Aaron Aquino ang pagpatay sa agent na si IO2 Enrico Barba at kinondena ang pamamaslang.
Bago ito, inulat ng Bicol regional police na natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa isang kanal sa Brgy. Napolidan, Lupi, Lunes ng umaga.
Nakagapos ang mga kamay at may busal na packaging tape ang lalaki, at kinakitaan pa ng kalatas na “Wag tularan, tulak ako.”
Ayon sa PDEA Regional Office 5, ang natagpuang patay sa naturang lugar ay nakilala bilang si Barba, na assistant provincial officer ng sangay ng ahensiya sa Camarines Norte.
“His body bore several gunshot wounds all fatal in the face and body indicative of ruthlessness. He also had contusions in the frontal body and head trauma as indicated in the initial autopsy of the first responders,” sabi ng PDEA RO5 sa isang kalatas.
Bago iyon, nagtungo si Barba sa Daet para makipagkita sa isang impormante, pero naiulat na nawawala Lunes ng madaling-araw.
Iniimbestigahan pa ng PNP at National Bureau of Investigation ang pamamaslang.
“We condemn the criminals behind this killing. We believe that this is a planned act with an intent to demoralize our agents, as the the illegal drugs syndicates try to shake our core,” ani Aquino.
“Our Regional Office will work fully with our counterparts to identify the perpetrators of this cowardly act which is considered as an attack and affront to the anti-drug endeavor of the Bicol region. We will not be moved by this incident,” sabi naman ng PDEA RO5.