Lider ng Anakpawis patay sa ambush

NASAWI ang isang lokal na lider ng grupong Anakpawis nang pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin sa Bayambang, Pangasinan, Lunes ng gabi.

Itinakbo pa sa ospital si Roberto Mejia, 49, dahil sa mga tama ng bala, ngunit di na umabot nang buhay, ayon sa ulat ng Ilocos regional police.

Naganap ang insidente dakong alas-11:30, sa Brgy. Sangcagulis.

Binabagtas ni Mejia at pinsan niyang si Miguel ang Del Pilar-Sangcagulis road, lulan ng tricycle, upang magbiyahe ng mga alagaing hayop, nang pagbabarilin ng dalawang tao ang una.

Dinala si Mejia sa Bayambang District Hospital kung saan siya idineklarang dead on arrival. Di naman nasaktan ang kanyang pinsan, ayon sa pulisya.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga salarin, na agad tumakas matapos ang insidente.

Sinisilip ng pulisya ang away sa isang lupain, na hawak diumano ng Anakpawis, bilang posibleng pinag-ugatan ng pamamaslang.

Read more...