TULOY na nga kaya ang pagbibida ni PBB Lucky Season 7 big winner Maymay Entrata sa life story ni Miss Universe 2018 Catriona Gray?
Ito kasi ang usap-usapan ngayon sa social media matapos makipagkita si Maymay sa shoe designer na si Jojo Bragais. Si Jojo ang gumawa ng design ng isinuot na heels ni Catriona sa nakaraang Miss U.
Ang feeling ng mga netizens, posibleng konektado ang pagkikita nina Maymay at Jojo sa gagawing life story ni Catriona sa Maalaala Mo Kaya ni Charo Santos.
Sa isang social media post, nagpasalamat kay Jojo si Maymay, “Sir Jojo salamat po sa bigay niyong shoes sa akin! Nasa akin pa rin po yung first shoes na bigay niyo sa PBB! God bless po!”
Kung matatandaan, sinabi mismo ni Catriona sa isang interview na kung gagawin ang life story niya sa MMK, ang pipiliin niyang gumanap sa kanyang karakter ay si Maymay. Bilib daw kasi siya sa fighting spirit ng dalaga at gustung-gusto rin niya ang aura nito.
“I’ll pick Maymay, she’s kind of a goofball, a little bit like me,” ang pahayag noon ni Catriona.