Natagpuan ang hinihinalang iligal na droga kasunod ng pagkarekober sa dose-dosenang cocaine bricks sa Camarines Norte, Surigao del Norte, at Dinagat Islands nitong mga nakalipas na linggo.
Ayon kay Senior Supt. Osmundo de Guzman, direktor ng Quezon provincial police, natagpuan ng isang barangay tanod ang hinihinalang cocaine brick sa coastal boundary ng Brgys. Rosario and San Jose, Mauban, dakong alas-9 ng umaga.
Sinubukang buksan ng tanod na si Johnel Escudero, ng Brgy. San Jose, ang makapal na balot ng natagpuan, at nang makita ang puting laman nito’y agad nag-ulat sa kanilang chairman, ani De Guzman.
Agad naiulat ang insidente sa lokal na pulisya, na nagpadala ng mga tauhan alas-3 ng hapon para beripikahin ang impormasyon.
“Ipapa-examine pa ito sa crime laboratory para malaman kung talagang cocaine,” ani De Guzman, patukoy sa natagpuang bloke.
Kaugnay nito, inatasan ni De Guzman lahat ng police unit sa mga coastal area ng Quezon na alamin kung may iba pang hinihinalang cocaine brick na inanod mula sa dagat.