NAHAHARAP sa kaso ang isang babaeng Iranian matapos nitong pasuin ng sigarilyo, suntukin, at sipain pa ang isang pulis, sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Nakaditine ngayon si Fereshteh Najafi Marbouyeh, 31, sa lokal na istasyon ng pulisya para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaso, sabi ni Supt. Socrates Faltado, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.
Naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga Linggo sa Puerto Galera Police Station.
Bago ito, dakong alas-3 ng umaga’y nakatanggap ang pulisya ng tawag mula sa chairman ng Brgy. Tabinay, na nagsabi na nag-iiskandalo si Marbouyeh doon.
Dinala ng mga pulis ang banyaga sa istasyon para imbestigahan at para na rin mailayo sa panganib, ani Faltado.
Dakong alas-7:30 ay naging marahas at agresibo si Marbouyeh, at pinagsisigawan ang mga pulis.
Sinubukang payapain ni PO2 Ferr Henrick Mangarin ang banyaga, pero bigla nitong pinaso ng may sinding sigarilyo ang kaliwa niyang kamay, at saka siya sinuntok at tinadyakan, ani Faltado.
Nahaharap ang banyaga sa kasong direct assault upon person in authority, aniya.