HIWALAY na sina Mark Herras at Winwyn Marquez. Matapos ang halos tatlong taong relasyon, nagdesisyon na ang dalawang Kapuso stars na magkanya-kanya muna sila ng buhay.
Kinumpirma ito ng beauty queen-actress kanina sa mediacon ng bago niyang pelikulang “Time And Again” under Regal Films kasama ang hunk actor na si Enzo Pineda.
Ayon kay Winwyn, mutual decision ang paghihiwalay nila ni Mark at mariin niyang sinabi na walang third party involved at hindi rin daw totoo na ito’y dahil sa pressure ng kani-kanilang pamilya.
“Yes, I’m single right now kaya wala akong plans ngayong Valentine’s day. And it’s a mutual break up naman, maayos kaming nag-usap nang harap-harapan ha, hindi basta sa text lang.
“Magko-concentrate muna ako sa work ko, siya rin. But we still talk, maayos naman kasi yung pag-uusap namin so friend pa rin naman,” sey ng beauty queen.
Inamin din ng dalaga na iniyakan din niya ang break up nila ni Mark, pero hindi naman daw siya yung tipong kakalimutan ang kanyang mga trabaho at commitments dahil sa lovelife. Tungkol sa tunay na dahilan ng hiwalayan, “Huwag na, ibalato n’yo na lang sa amin yun.”
Malaking tulong daw sa kanyang pagmu-move on ang kanyang career dahil sunud-sunod ang work niya ngayon. Bukod sa “Time & Again” may isa pa siyang gagawing pelikula under Regal Films at may offer din daw na teleserye sa kanya ang GMA 7.
So kahit daw broken hearted siya, hindi niya ito masyadong iniinda dahil nagpapaka-busy siya sa pagtatrabaho at mas gusto niyang magpaka-positive.
Hindi pa rin naman isinasara ni Winwyn ang pinto ng posibilidad na magkabalikan sila ni Mark, “Mahirap namang magsalita nang tapos, baka bukas magkabalikan din kami. Pero right now, hindi pa talaga. Kanya-kanya muna kami ng priorities.”
Samantala, puring-puri naman ni Direk Joey Reyes ang dalawang artista niya sa “Time & Again” na sina Winwyn at Enzo. Pareho raw thinking actors ang dalawa kaya hindi siya nahirapang idirek ang mga ito.
Sabi nga ni Direk Joey, isa na si Winwyn sa mga favorite actress niya sa local showbiz at looking forward siya na makatrabaho uli ang dalaga pati na si Enzo na talaga namang mamahalin daw ng mga girls and gays sa movie.
Ang “Time & Again” ay kuwento ni Apple, isang babaeng writer na NBSB o no boyfriend since birth. Naniniwala siya na hindi niya kailangan ng lovelife para maging masaya sa buhay hanggang sa makilala niya si Ozzi (Enzo) na biglang magpapabago sa takbo ng buhay niya.
Sasagutin din ng pelikula ang tanong na: “Kung bibigyan ka ng chance to.go back in time ano ang babalikan mo at bakit?” Showing na sa Feb. 20 ang “Time & Again” nationwide.