Mga baril, granada samsam sa bahay ng mayor, resort ng vice mayor

NASAMSAM ang sari-saring baril, bala, at mga granada nang salakayin ng mga pulis at sundalo ang bahay ng mayor ng Batuan, Masbate, at resort ng ama niyang vice mayor, Miyerkules ng umaga.

Isinagawa ang operasyon isang araw matapos paalalahanan ni National Police chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang mga PNP unit na sumunod sa 8-point security plan para sa palapit na eleksyon, kabilang ang pagpigil sa mga naglipanang di lisensyadong baril.

Ni-raid ng mga pulis at sundalo ang bahay ni Mayor Charmax Jan Yuson at resort ng ama niyang si Vice Mayor Bodgie Yuson III, sa Brgy. Canvañez, dakong alas-6, sabi ni Chief Insp. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.

Isinagawa ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group, Drug Enforcement Group, Special Action Force, lokal na pulisya, at Army 903rd Brigade ang operasyon sa bisa ng mga search warrant para sa paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, aniya.

Nakuha sa bahay ni Mayor Yuson ang isang Bushmaster M16 rifle, magazine at tatlong bala ng naturang baril, at isang fragmentation grenade.

Nasamsam naman sa resort ni Vice Mayor Yuson ang isang Baby armalite rifle, magazine at tatlong bala ng naturang baril, dalawang 12-gauge shotgun na may 19 bala, isang kalibre-.45 pistola, tatlong kalibre-.38 revolver na may siyam na bala, at isang granada.

Di natagpuan ang mag-amang Yuson nang isagawa ang raid, pero naaresto ang isang Jeason Clemente, na nagtatrabaho bilang security guard sa resort, ani Calubaquib.

Read more...