ITINUTURING na himala ng mga kaanak ang pagkakaligtas ng apat na taong gulang na batang babae na nakulong sa nasusunog nilang bahay sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Nasa loob ng bahay sa Cubao, Brgy. Socorro ang batang si Precious Tabuena ng kumalat ang apoy sa kanilang bahay mula sa napabayaan umanong kandila alas-8 ng gabi. May isang buwan ng walang suplay ng kuryente ang bahay.
Tinangkang isalba ng mga kaanak ang bata pero malakas na ang apoy at nakasarado ang pintuan ng bahay.
Sa lakas ng apoy ay natupok ang mga pader ng bahay at bumagsak ang bubong nito.
Naapula ang sunog makalipas ang isang oras pero walang nahanap na bangkay ang mga bumbero.
Hindi naman nawalan ng pag-asa ang lolo ng bata na si Carlos Flores na nagpatuloy sa paghahanap sa mga sukal. Nagulat ito ng bigla siyang tinawag ng bata na nasa isang sulok ng nasunog na kuwarto.