Barbie nabiktima ng pekeng alalay, nagbabala sa modus ng sindikato


NAGBIGAY ng warning ang Kapuso Primetime Princess na si Barbie Forteza sa publiko na gumagamit ng pangalan niya para makapanloko ng ibang tao.

Naalarma ang dalaga nang makarating sa kanya ang balita na may isang babaeng nagpakilalang personal assistant niya at umorder ng ilang produkto sa isang pastry shop.

Ayon kay Barbie, tinawagan siya ng kanyang handler mula sa GMA Artist Center at ipinaalam sa kanya na may delivery ng dalawang kahon ng iba’t ibang pastry products para sa kanya. Isang nagngangalang Myrna Marquez daw ang umorder nito para kanya.

“Dalawang kahon ng pastries na para daw sa akin, umorder daw ako. Sabi ko, ‘Hindi,'” sey ng dalaga sa panayam ng GMA.

Pinatawagan agad ni Barbie sa kanyang handler ang pastry shop, “Sabi, yung Myrna Marquez daw, kinlaim na personal assistant ko siya. Bago ko siyang personal assistant, at sinabi ko raw sa kanya na gusto kong matikman yung pastries nung shop.”

Ibinigay ng nakausap nila sa pastry shop ang cellphone number ni Myna Marquez at kinausap ito. At totoo nga, ang pakilala nito, siya raw ang bagong personal assistant ni Barbie.

“Wala talaga akong at all na kilalang Myrna Marquez, wala akong bagong assistant. At saka nu’ng sinend lang sa akin yung picture nu’ng cookies, saka ko lang hinanap sa social media kung saan yung pastry shop,” kuwento pa ng lead star sa bagong primetime series ng GMA 7 na Kara Mia.

Dagdag pang kuwento ni Barbie, tinawagan uli ng may-ari ng pastry shop ang kanyang handler dahil ang sabi raw ni Myrna Marquez ay sa isang hotel daw sa Mandaluyong City dapat i-deliver ang inorder sa kanila.

“Binabawi nila pinapadala nila sa ibang lugar, sa (EDSA) Shangri-La. Kasi nandu’n daw ako, may presscon ako. E, wala akong ginagawa, nasa bahay lang ako kahapon.”

Dito na binalaan ni Barbie ang lahat ng kanyang mga kakilala sa modus operandi ng ilang mga manloloko sa social media, “Baka hindi lang sa ‘kin niya ginagawa, or baka hindi lang pagkain ang hinihingi niya. Worse, baka pera.

“Baka hindi lang ako yung artistang ginagamit niya. May ano naman kami, social media accounts. Dumiretso na lang kayo sa amin, para siguradong kami yung makakatanggap, kami yung makaka-negotiate ninyo,” dagdag pa ng girlfriend ni Jak Roberto.

q q q

Samantala, sa Lunes na, Feb. 18) magsisimula ang pinakaaabagang primetime series na Kara Mia sa GMA Telebabad na pagbibidahan nina Barbie at Mika dela Cruz, kasama sina Jak Roberto at Paul Salas.

Paglilinaw ni Barbie hindi horror ang Kara Mia, ngunit meron itong kaunting “kababalaghan” dahil sa karakter ni Mike Tan bilang isang engkanto na naniniwalang anak niya sina Kara at Mia.

“We would like to clear out lang na pambata ‘yung istorya namin, hindi siya horror, hindi siya comedy. medyo may pagka-fantaserye na may romance,” sey ni Barbie.

Tungkol naman sa pagtapat nila sa kalabang programa, “Hindi naman kami after the competition. It’s all about showing the audience a good story, ma-pull off naming dalawa ‘yung character namin nang hindi siya mukhang nakakatawa or nakakatakot.

“Ang gusto namin, siyempre ‘yung GMA Telebabad hindi lang naman siya per show parang isang kabuuan ‘yung tinitingnan. Pag maganda ang first slot, second slot and third slot, maganda ang primetime.

“So kami, gusto lang namin na maging part kami nu’n at mapaganda namin ‘yung lineup kung saan man kami ilagay. Either first, second or third na deserve namin na mapapunta namin sa primetime, no matter kung anong slot,” aniya pa.

Makakasama rin sa Kara Mia si Carmina Villaroel na gaganap na ina nina Barbie at Mika sa kuwento.

Aniya, bagong challenge na naman ito sa kanya after Kambal Karibal.

Ka-join din sa Kara Mia sina John Estrada ang magiging ama ng kambal, Glydel Mercado, April Gustilo, Alicia Alonzo at Gina Pareño. Ito’y sa direksyon ni Dominic Zapata. Magsisimula na ito sa Feb. 18.

Read more...