Mister ayaw nang tanggapin ni misis

DEAR Ateng Beth,

Ano po bang dapat kong gawin ngayon na gustong makipagbalikan sa akin ng mister ko?

Apat na taon siyang nangabilang-bahay tapos ngayon na hiniwalayan siya ng kabit niya ay gusto namang bumalik sa akin.

Hindi ko na siya mapapatawad pero nakikiusap sa akin ang mga anak namin na tanggapin na namin siya kasi nagsisisi naman na raw ang ama nila. Tulungan mo ako ateng Beth na pagliwanagin ang isip ko.
Melissa.

Antipolo, Rizal

Hello Melissa!

Kapag ba sinabi kong balikan mo siya, babalikan mo?

Kung ‘yung mga anak mo nga na nakikiusap sa iyo, hindi mo magawang i-consider, ako pa ba ang susundin mo? Joke lang!

Ang totoo, nasa sa iyo naman ‘yan. Matter of pagpapatawad siguro at panahon.

Masakit ‘yung ginawa niya sa iyo at siyempre iisipin natin na kung hindi ba siya inayawan ng kabit niya, babalik ba siya sa iyo?

Kung hindi mo na siya mapapatawad, e di kausapin mo ang mga anak mo at sabihin sa kanila kung saan ka nanggagaling.

Hindi naman kasi tumitigil ang pagiging tatay niya sa mga anak mo sa paghihiwalay ninyo, ‘di ba? So, ipakita mo sa kanila kung gaano ka talaga nasaktan.

Siguro naman kung magbubukas ka talaga sa mga anak mo, maiintindihan nila kung ano ang nararamdaman mo.

Tapos bigyan mo rin ng panahon ‘yung sarili mo na manahimik at magproseso ng mga nangyari. Siyempre masakit yung ginawa niya sa iyo. Matagal-tagal ding panahong nangibang-bahay ang asawa mo. At walang nakakaalam kung nagbago na nga ba siya o naghahanap na naman ng magmamahal sa kanya.

At any rate, please find it in your heart to forgive. To heal. Para na rin sa sarili mo. Huwag mong hayaang kainin ka ng galit mo. Itong lalaking ito ay habambuhay mong katuwang sa pagpapalaki ng mga anak mo. Ke makahanap siya ng bago o ikaw ang makahanap ng iba, lagi at laging magku-krus ang landas ninyo. Lagi at laging mayroong mag-uugnay sa inyo dahil sa inyong mga anak.

Hindi mo kailangang makisama ulit sa kanya para lang umayos ang buhay ninyo pare-pareho. Ipakita mo sa mga anak mo na pwede kayong maging civil sa isa’t isa.

Read more...