P5.4M cocaine natagpuan sa dagat

NATAGPUAN ng mga mangingisda ang mahigit P5.4 milyon halaga ng cocaine sa bahagi ng dagat na sakop ng Vinzons, Camarines Norte, nitong Linggo.

Nadiskubre ni Alfredo Vega, 61, at anak niyang si Alfredo Jr. ang driga sa loob ng isang kahong lumulutang malapit sa Quinamnucan Island dakong alas-11:55, sabi ni Chief Insp. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.

Itinurn-over nila ang droga kay Brgy. Sula chairperson Rose Marie Abogado nang makauwi, at inulat ito ng huli sa pulisya, aniya.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Senior Supt. Godofredo Tul-o, direktor ng Camarines Norte provincial police, na nag-positibo bilang cocaine ang laman ng kahon nang suriin sa provincial crime laboratory.

Umabot sa 1,026.19 gramo ang cicaine at tinatayang nasa P5.438 milyon ang halaga, aniya.

Ayon kay Tul-o, di pa mabatid kung saan galing ang droga dahil wala silang na-monitor na pagdaan ng barkong may dala ng cocaine malapit sa Camarines Norte.

Wala pa ring nahuhuli na lokal na dealer na may ganoong droga, aniya.

Noong nakaraang Abril, matatandaan na aabot sa P170 milyon ng cocaine ang naatagpuan sa bahagi ng dagat na sakop ng katabing lalawigan ng Quezon.

Noon namang Hulyo, isang mangingisda sa Quezon ang nakuhaan ng P21 milyon halaga ng cocaine na kapareho ng unang nakuha sa dagat. Sinabi ng pulisya na ibinibenta ng suspek ang droga nang “tingi-tingi.” 

Read more...