Mahigit 4K kaso ng tigdas naitala, 70 nasawi

UMABOT na sa mahigit 4,000 kaso ng tigdas ang naitala, kabilang ang 70 nasawi sa nakalipas lamang na mahigit isang buwan, ayon sa Department of Health (DOH).

Base sa datos mula sa DOH Epidemiology Bureau, mula Enero 1 hanggang Pebrero 9 ngayong taon, nakapagtala ang DOH ng 4,302 kaso ng tigdas na may 70 mga nasawi.

Idinagdag ng DOH na  79 porsiyento sa mga nasawi ay may edad na isang buwan hanggang 31-anyos, at pawang hindi nagpabakuna.

Samantalang ang edad naman ng mga apektado sa tigdas ay mula isang buwan hanggang 75-anyos, kung saan 34 porsiyento ay may edad na isa hanggang apat-anyos at 27 porsiyento sa mga kaso ay wala pang siyam-na-buwan.

Sinabi pa ng DOH na 66 porsiyento ng mga apektaso ng tigdas ay pawang hindi nagpabakuna.

Pinakamaraming kaso ng tigdas ang naitala sa National Capital Region na may 1,296 kaso at 18 nasawi, sinundan ng Calabarzon, na may 1,086 kaso at  25 na nasawi.

Nakapagtala ang Central Luzon ng 481 kaso na may tatlong nasawi; Western Visayas, 212 kaso na may apat na nasawi; at sa Northern Mindanao, na may 189 kaso at limang nasawi.

Nauna nang nagdeklara ang DOH ng measles outbreak sa Metro Manila, Central Luzon, Western at Eastern Visayas.

“The causes of measles outbreak involved a number of factors or elements. Loss of public confidence and trust in vaccines in the immunization program brought about by the Dengvaxia controversy has been documented as one of many factors that contributed to vaccine hesitancy in the country,” sabi ng DOH.

Read more...