HABANG maraming may sakit na nakahiga sa sahig dahil walang bakanteng kuwarto sa mga public hospitals, itinatago lamang umano ng Department of Budget and Management ang bilyun-bilyong pondo ng gobyerno.
Sa pagdinig kahapon, sinabi ni House committee on appropriations chairman Rep. Rolando Andaya Jr., na may P207 bilyong ibinalik ang DBM sa National Treasury noong 2017.
“Trabaho ba ng gobyerno na mag-impok sa bangko. Buwis yan ng tao, kaya nga hirap na hirap kang maipasa yung buwis eh, dahil hindi nakikita ng tao kung saan nagagamit ito P200 billion idineposito sa bangko, nakatingga, na pag pumunta ka sa mga ospital nakalatag yung mga tao sa daan, kulang ang gamot, nagugutom, walang trabaho tapos yung pera nakatago lang sa bangko,” ani Andaya.
Sinabi ni Andaya na “alam ko kumokolekta tayo ng buwis sa tao at yung buwis na yan ibinabalik mo yan sa pamamagitan ng serbisyo.”
Nagsasagawa ng pagdinig ang komite kaugnay ng P75 bilyong pondo na idinagdag ng DBM sa Department of Public Works and Highways.
Iginiit ni DPWH Usec. Catalina Cabral na bahagi ng “normal budget process” ang ginawa ng DBM na dinagdagan ang budget ng kanilang ahensya ng P480 bilyon.
“I recall the Secretary (Mark Villar) saying we consider it a budgetary adjustment and therefore DBM has the prerogative to add or reduce. We took the NEP as it is,” ani Cabral.