KINUMPIRMA ni Titanic Action Star and former Sen. Bong Revilla na nakapag-meeting na siya sa mga ehekutibo ng Star Cinema para sa pagbabalik niya pelikula. Meron nang nilulutong proyekto ang Star Cinema para kay Bong.
Sinabi sa amin ‘yan ni Bong sa ginanap na pa-meet the press niya last Tuesday. Pero tumanggi siyang i-reveal kung ano ang tema ng magsisilbing “comeback” movie niya. Secret daw muna.
Although, tiniyak ni Bong na gagawa siya ng pelikula ngayong taon. Babalikan daw niya ang kanyang “first love” at ‘di niya iiwan.
Tinanong namin siya kung kasama ba niya sa una niyang pelikula after almost five years na pagkawala sa showbiz ang anak na si Cavite Vice-Governor Jolo Revilla, “Hindi,” sagot ni Bong. “Siyempre baka tatay role agad. Kailangan mas bata ako kay Jolo sa pelikula.”
Dagdag na tanong namin sa kanya kung si Miss Universe Catriona Gray na kaya ang leading lady niya for his comeback movie, “Wala na ba si Pia Wurtzbach? Nandiyan pa rin naman si Pia,” lahad niya.
Natabunan na raw kasi ni Catriona si Pia ayon sa ibang showbiz kibitzers, “Pero magaling umarte si Pia,” pagtatanggol pa ni Bong.
So, reading between the lines, malamang si Pia na nga ang makakapareha ni Bong sa gagawin niyang pelikula.
Sa true lang, kapag natuloy ang movie ni Bong sa Star Cinema, it will be very meaningful. Hindi lang ‘yun comeback movie ni Bong after four years kundi comeback/reunion movie rin niya sa Star Cinema
Si Bong kasi ang bida sa kauna-unahang pelikula ng Star Cinema na pinamagatang “Adan Ronquillo” na idinirek ni Joey del Rosario noong 1993. Si Sheryl Cruz ang leading lady niya sa movie.
And that was 25 years ago. Bale 26 years on May 13, ang first day of showing ng “Ronquillo” sa mga sinehan noon.
Going back to Jolo, sinubukan din naming kunin ang reaksyon ni Bong sa nababalitang bagong girlfriend ni Vice Governor.
“Huwag na. Hayaan na natin. Ayaw kong mag-commnet. Magagalit ang Jodi (Sta. Maria) fans. Ha-hahaha!”
Anyway, damang-dama ni Bong ang paghina sa takilya ng mga pelikulang ipinalalabas sa mga sinehan ngayon. Nakita ni Bong na isa sa malaking factors talaga ang bayad sa sine.
“Oo, ‘yun ang gagawin natin. ‘Yun ang isa sa gagawin natin kung paano natin ibababa ang bayad sa sine.
Hindi na makamasa ang presyo. Ang dapat talaga ‘yan ang cheapest entertainment aside from television. Dapat ganoon ang gawin,” pahayag n Bong.
Bukod sa pagbaba ng bayad sa sine, ipu-push din niya na maisa-batas ang kanyang FMLA (Family Medical Leave Act) Law, “‘Yung FMLA, ‘yan ang priority ko. Sa bawat pamilya ‘di ba kapag may sakit?
Itong isusulong na ‘to, ‘tong 15 days leave, with pay. In one year ‘yan. ‘Yun ang isusulong ko,” pagbubunyag ni Bong sa unang pagkakataon.
Dagdag pa niya, “Kasi ngayon wala tayo niyan, leave with pay. ‘Yun ‘yung priority bill ko,” ani Bong sa amin.
Nakapag-umpisa nang umikot si Bong sa mga probisnya para sa kanyang “Pasasalamat Caravan” at mga speaking engagements sa mga nag-iimbita sa kanya from different sectors and NGOs.
In fairness, ‘di kumukupas ang kanyang popularidad sa kanyang pagkawala sa mainstream society ng halos limang taon.
Someone asked Bong what if magkasalubong ang landas nila ni Mar Roxas sa Senado. Ito ang kanyang sagot, “Basta ‘wag niya lang akong haharangin, titisurin ko siya. Ha-hahaha! Joke! Joke lang!”
‘Yun na!