NASAWI ang isang negosyante nang pagbabarilin ng di pa kilalang salarin sa Candelaria, Quezon, Lunes ng gabi, wala pa isang taon matapos siyang mabawi ng mga pulis sa mga kidnaper.
Ikinasawi ni Ronaldo Arguelles, 41, ang mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
Naganap ang pamamaril dakong alas-7:20, sa bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy. Mangilag Sur.
Nakatayo si Arguelles sa road shoulder nang lapitan at paulit-ulit na paputukan ng isa pang lalaking may maigsing baril, ayon sa ulat.
Itinakbo pa si Arguelles sa United Candelaria Doctors Hospital pero binawian ng buhay alas-8:31, habang nilulunasan.
Narekober sa crime scene ang walong basyo ng kalibre-.9mm baril, habang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanla’t kinaroronan ng gunman.
Si Arguelles, residente ng Cristina Village, Brgy. Mangilag Sur, ay nabawi ng mga tauhan ng PNP Anti-Kidnapping Group at Candelaria Police sa mga kidnaper sa San Pablo City, Laguna, noong Abril 10, 2018.
Matatandaan na sa naturang operasyo’y napatay ang limang kidnaper na pawang mga naka-police uniform at isang babaeng pulis, habang di bababa sa apat pa katao ang nasugatan.
Dinukot ng walong armadong naka-camouflage uniform si Arguelles sa kanyang bahay ng gabi bago iyon, at tumangay pa ng sari-saring kagamitan, mga alahas, cash, at kotse.
Humingi umano ang mga kidnaper ng P800,000 kapalit ng pagpapalaya kay Arguelles, na diumano’y may kinalaman sa kalakalan ng iligal na droga.