PAGKATAPOS itanggi ni Kathryn Bernardo ang chika na nag-propose na sa kanya si Daniel Padilla, mismong ang ina na ng binata na si Karla Estrada ang nagsalita tungkol dito.
Sa nakaraang episode ng Magandang Buhay nilinaw din ng TV host-actress ang balitang engaged na raw sina DJ at Kath at nangyari raw ang engagement party nu’ng magbakasyon sila sa Japan nitong nakaraang holiday season.
Nag-ugat ito sa ipinost ng nanay ni Kathryn na si Min Bernardo sa Instagram na nagsabing, “May nag-propose!”
“Kasi may lumabas nu’ng nasa Japan sila, pero katuwaan lang ‘yon ni Tita Min at saka ni Do,” simulang pahayag ni Karla. Si Do ang personal assistant ni Daniel na matagal na ring kaibigan ni Karla.
“Nagkatuwaan lang. So parang pinalabas. Kaya medyo nalito ang mga tao.
“Siyempre kapag ganu’n, ako ang unang makakaalam, dahil ako naman ‘yung unang magsu-support din kung ano at anuman,” chika pa ni Karla.
Aniya pa, “Pero kinlaro rin ni Kathryn ito sa TV Patrol if I’m not mistaken. Kinlaro niya na katuwaan ‘yon. Ang sinabi ni Kathryn, hindi po totoo ‘yon, ini-entertain niya ang idea pero kailangan pa nilang magtrabaho at marami pang opportunity.”
Ayon kay Kathryn “Iyung pinakita, ‘yung (post) sabi ko, ‘nakakaloka kayo, mababaliw ‘yung mga tao.’ Hindi, hindi po talaga, walang (nag-propose).”