EXCITED ang bagong alaga ni Daddie Wowie na si Uno Santiago sa pagpasok niya sa showbiz. Kasama siya sa pelikulang “Jesusa” ni Sylvia Sanchez na idinirek ni Ronald Carballo under OEMP Productions.
Gagampanan ni Uno ang karakter ni Carlo, isang volunteer sa rehabilitation center kung saan ipina-rehab si Sylvia nang maging drug addict sa kuwento.
Ani Uno, “Ako po ‘yung gumabay sa kanya (Sylvia) sa rehab. Sobrang honored po, sobrang happy. She’s very helpful, gina-guide niya po ako with every take. Sabi po niya, kapag kinabahan ako, hindi ko po mabibigay ‘yung best ko.
“Nu’ng una po, nai-intimidate ako kay Ms. Sylvia. Pero na-relax po ako nu’ng sinabi niya na it’s okey to make mistakes. Kinabahan po talaga ako, kasi first time kong gumawa ng movie, but with direk Ronald’s guidance, at sa mga co-stars ko, natawid ko naman po,” kuwento ni Uno.
Dagdag pa ni Uno na, “Ms. Sylvia is just as good po as Ms. Nora (Aunor).” Alam kasi ng baguhang aktor na si Ate Guy ang unang choice sa “Jesusa.”
Nabanggit ni Uno na ngayong pinasok na niya ang showbiz hiling niya na sana’y mabigyan siya ng pagkakataong makatrabaho ang idol niyang si Daniel Padilla pati na si Barbie Imperial.
Hindi ang pagiging lover boy sa pelikula ang pangarap ni Uno dahil gusto raw niyang makilala siya sa aksyon. Si Coco Martin ang gusto niyag tularan na dahilan din kung bakit lagi niyang inaabangan ang FPJ’s Ang Probinsyano.
Paano bs nakilala ni Uno ang manager niyang si Daddie Wowie, “Na-meet ko siya du’n sa SM North Edsa.
Nahilo po kasi siya, tapos napaatras siya, inalalayan ko po. Tapos tinanong niya kung sino ‘yung magulang ko. Sabi ko po, si Carmen Santiago.
“Nagulat po si Daddy Wowie, ‘Carmen Santiago, ‘yung dancer?’ Sabi ko, opo! Tapos ayun po, nag-meet sila. Pumunta po si Daddy Wowie sa bahay ni Mama,” kuwento ng baguhang aktor.
Timing ang pagkakakilala nina Daddie Wowie at Uno dahil matagal na palang gustong maging artista ng binata kaya laking pasalamat niya na napunta siya sa tamang tao.