Mga Laro sa Pebrero 6
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Columbian vs Alaska
7 p.m. San Miguel Beer vs Blackwater
NAPANATILI ng Rain or Shine Elasto Painters ang solong kapit sa ikalawang puwesto matapos masungkit ang ikaapat na panalo sa pagtala ng 85-72 panalo kontra Alaska Aces sa kanilang 2019 PBA Philippine Cup elimination round game Linggo sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Sinamantala ng Elasto Painters ang pagkawala ng tatlo sa regular starter ng mga Aces para maitayo ang 22 bentahe at iuwi ang ikaapat na panalo sa limang laro.
Sumalang ang Alaska sa kanilang unang laro ngayong kumperensiya na wala sina Vic Manuel, JV Casio at Kevin Racal na may iniindang magkakaibang injury. Hindi rin nakapaglaro para sa Aces si Yutien Andrada.
Kumana si Rey Nambatac ng 12 puntos para pangunahan ang Elasto Painters, na tinalo rin ang four-time defending champion San Miguel Beermen at Barangay Ginebra Gin Kings.
Nag-ambag naman sina Beau Belga at Raymond Almazan ng 11 at 10 puntos para sa Rain or Shine.
Pinamunuan ni Jeron Teng ang Aces sa ginawang 15 puntos habang si Jake Pascual ay nagdagdag ng 12 puntos.