SA isang umpukang puro nagtatrabaho sa showbiz ang magkakaharap para sa chikahan ay pinagkumpara ang magkasabayang babaeng personalidad na tunay namang sumikat at hanggang ngayo’y aktibo pa rin sa kani-kanilang karera.
Malayung-malayo ang pagkukumpara, sabi ng mga miron, may kani-kanyang katangian ang dalawang aktres na mortal na magkalaban nu’n ang mga tagahanga sa kasagsagan ng kanilang career.
Tawagin na lang nating sina Actress A at Actress B ang dalawang sumikat na babaeng personalidad. Ang akala ng publiko ay magkaaway sila, pero hindi, magkaibigan ang dalawang ito.
Sabi ng unang miron sa umpukan, “Pagdating sa pera, napakalayo ng comparison nila. ang layu-layo! Si Actress A, waldas sa datung! Wala siyang pakialam kung maglabas ng pera. Piyesta kung piyesta siya sa araw-araw!
“Yayayain niya ang mga kaibigan niya sa bar, drink and eat all you can ang drama nila, wala siyang pakialam kung magkano man ang abutin ng bill!
“Ganu’n siya kapabolosa pagdating sa pera, nagpapakain siya ng buong bayan, waldas kung waldas siya sa pananalapi!” unang kuwento ng source.
Kung ganu’n kaluwag sa datung si Actress A ay kabaligtaran naman nu’n ang female personality na kasabayan niya. Magaling siya sa paghawak ng kanyang kabuhayan showcase.
Kuwento ng ikalawang miron, “Ay, kung karatista si Actress A sa pagiging bukas ng palad niya, e, boksingero naman si Actress B! Pahirapan siyang maglabas ng datung!
“Maglalabas lang siya ng pera kapag talagang kailangan. May dahilan ‘yun. Hindi siya mahilig sa granatsa, hindi siya makikitang kasama ang mga friends niya sa mga bar. Umiinom din siya pero sa bahay lang, ganu’n!
“Naranasan na kasi niyang magtrabaho na ang talent fee niya, e, pambayad-utang lang, kaya nu’ng makaraos na siya sa problema, kahit barya lang, e, ginto na ang tingin niya!
“Hindi naman siya kuripot, hindi niya naman ginugutom ang sarili niya, pati ang family niya, pero nasa ayos ang paggastos niya. Malaki talaga ang pagkakaiba nila!
“Look n’yo naman ngayon, milyonarya na si Actress B, pero si Actress A, walang naiipon. Wala rin siyang naipundar na mga properties, samantalang itong si Actress B, super-yayamanin!” pagtatapos ng ikalawang source.
Naku naman, kailangan pa ba ng clue, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday? Mauupo pa ba kayo n’yan sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan?