ISANG estudyante ang nasawi at di bababa sa lima pa ang naospital matapos diumanong malason sa kinaing cookies, na gawa ng kaklase, sa Imus City, Cavite, Martes ng hapon, ayon sa pulisya.
Anim ang dinala sa Medical Center Imus, pero binawian ng buhay ang 18-anyos na si Mark Joseph Tan habang nilulunasan, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Kinilala ng pulisya ang lima pang dinala doon bilang sina Mher John Tan, 18; Justin James Canete, 18; Mercy Grace Benialon, 18; Eden Joyce Beckham, 19; at Rovic Elli, 17.
Naganap ang insidente dakong alas-5:30, sa bahay ng kaklase nilang si Daniela Grace Bolo, sa Brgy. Palico 4.
Gumawa ng chocolate cookies ang 18-anyos na si Bolo, at inihain ito sa mga kaklase. Kumain din umano ang dalaga ng mga inihandang cookies.
Matapos iyo’y dumanas na umano pangangati at hirap sa paghinga ang kanyang mga kaklase, ayon sa ulat.