UNDER investigation ng Office of the President ang isang gobernador makaraang makunan ng ilang video na nagka-casino sa Entertainment City sa Parañaque City.
Sa ilalim ng Presidential Decree 1067-B, o mas kilala bilang Pagcor Charter ay pinagbabawalan na mag-casino ang mga tauhan o opisyal ng pamahalaan.
Alam ni Mr. Governor ang nasabing kautusan pero sadyang hindi niya maalis ang hilig sa pagsusugal.
Bukod sa casino ay laman rin sya ng mga derby lalo na sa mga malalaking venue dito sa Metro Manila.
Kamakailan lang ay naging laman rin ng balita si Sir makaraan siyang kasuhan sa Office of the Ombudsman.
Ito ay makaraan niyang kunin ang serbisyo ng security agency ng kanyang kapatid nang walang public bidding.
Itinalaga ang mga kinuha niyang security guards sa capitol compound ng kanilang lalawigan.
At dahil doon ay nahalungkat rin ang ilan pang mga kahina-hinalang kontrata na pinasok ni Mr. Governor at ng kanyang tanggapan.
Hindi doon natatapos ang problema dahil kamakailan lang ay isang senior citizen ang lumutang na nagsabing tumatanggap siya ng death threat mula sa gobernador.
Ang nasabing complainant ay isa sa mga nagsampa ng kasong katiwalian laban sa opisyal.
Dahil sa takot ng complainant ay kaagad siyang humingi ng tulong sa PNP dahil seryoso umano ang banta sa kanyang buhay ng grupo ni Gob.
Ang opisyal ng lalawigan na nahaharap sa sangkatutak na reklamo mula sa katiwalian hanggang sa pagbabanta ay si Governor A….as in Animo ng Visayas region.