DINEDMA lang ng ilang production outfits ang pagsasapelikula ng buhay ni dating PNP Chief Gen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Mahabang journey ang nilakbay ng mga taong nasa likod ng biopic ni Bato bago nabuo ang pelikulang pinagbibidahan ni Robin Padilla.
At sa tulong nga ni Sen. Manny Pacquiao, nagkaroon ng pagkakataon na magkita nang personal at magkausap nang nasinsinan sina Robin at Gen. Bato.
“Hindi kami nagkaroon ng pormal na magkakilala. Nu’ng minsang magkita kami ni Mayor (Rodrigo Duterte), sinabi kong may problema ako sa baril at nabanggit niya sa akin si Ge-neral. Matagal na niya akong tagahanga.
“Kinansel kasi ‘yung (lisensiya ng) mga baril ko at ‘yun ang unang narinig ko, ang pangalan niya. Pangalawa po, doon sa basketball, inimbitahan ako ni Sen. Manny at nakita ko siya roon. Binati ko at sinabing, ‘General, gawin natin ang pelikula mo.’ Unang-unang sinambit ko sa kanya. Tinawagan ko si Boss Vic (del Rosario) at pagkatapos nu’n, kinausap ko si Ma’am Malou (Santos) ng Star Cinema. Sabi ko, ‘Pumayag si General Bato na isapelikula ang buhay niya. Gawin natin ng September.
“Dumaan ang September, October, November, walang nagbabanggit sa akin so nalungkot ako. December po, unang linggo ng December, kinidnap ako ni Jayke (Joson) at ni Arnold (Vegaria). Sabi nila, ‘Tokhang ka namin.’
“Kinausap nila ako sa Shangri-La. Matutuloy na ba ‘to? Pero mag-eeleksyon sa BOL (Bangsamoro). Kailangan ako doon. Sabi ko kung endorsement video, gagawin ko agad ito. Hindi ako puwedeng mawala sa BOL,” pahayag ni Robin sa blogcon ng “Bato”.
Sa pangalawang “pagkidnap” sa kanya ng grupo nina Jayke nakaharap na niya si Gen. Bato at doon na nga naging pormal ang pag-uusap tungkol sa proyekto. Hindi na raw nakahindi si Binoe hanggang sa magsimula na silang mag-shooting.
“Wala na akong nagawa! Isang malaking karangalan na magawa ko ang pelikula niya. Andres Bonifacio din siya sa ibang panahon. Nagbigay rin ng serbisyo sa bayan.
“Napukaw ako sa kuwento niya tungkol sa four star general at five star general. Kasi sa tagal ng panahon, ang image ng action star, babaero!
“Pero sa kanya, isa lang ang babae. Talagang ang real man, pang-isang babae lang!” paliwanag ni Robin.
Aminado si Gen. Bato na nahuli na siya minsan ng kanyang misis sa text, “Kaya nga lesson ko, kalabanin mo na ang ISIS, huwag lang si Misis!” natatawa pang pahayag ni Gen. Bato dela Rosa.
Ayon kay Robin, kahit na ilang linggo lang sila nag-shooting para sa life story ng heneral ay hindi ibig sabihin minadali nila ang paggawa nito. Magaling lang daw talaga ang kanilang direktor na si Adolf Alix, Jr. at nagkakaisa sila sa vision ng movie kaya naging madali para sa kanila ang lahat.
Puro high-tech din daw na camera at equipment ang ginamit nila sa maaaksyong eksena sa pelikula kaya masasabing hindi rin tinipid ang unang action movie ng 2019.
Makakasama rin sa pelikula si Beauty Gonzales na gaganap bilang asawa ni Bato, Polo Ravales, Kiko Estrada, Efren Reyes, Jr., Joko Diaz at marami pang iba.