HUMINGI ng tulong si Robin Padilla sa entertainment media para linawin ang mga isyu na bumabalo sa comeback movie niyany “Bato: The Gen. Ronald Dela Rosa Story.”
“Sana huwag tayo ma-involve sa kontrobersya ng politika kasi nakakalungkot yun kung pagbibintangan n’yo kami na gumagawa ng propaganda. Sana yung mga ganu’ng klaseng bintangan, pukulan, isantabi muna natin.
“Isipin na lang natin nagkaroon kami ng trabaho, nakapagbigay kami ng trabaho sa mga stuntman, sa mga utility, maraming tao ang nagkaroon ng trabaho dito,” ani Binoe sa nakaraang presscon ng “Bato”.
Hirit pa ng aktor, “Sana tingnan din ninyo yung istorya bago kami mahusgahan, panoorin n’yo muna kung talagang worth gawan ng pelikula. Ako nagtratrabaho lang ako, gusto ko lang masaya ang mga tao. Gusto ko lang makapagbigay ng magandang entertainment,” aniya pa.
Sigurado raw na magbabago ang pagkakilala ng ilang Pinoy kay Bato kapag napanood na nila ang life story nito.
“Na mamamatay tao lang siya. Dito makikita na hindi siya ganu’n. Ginawa natin siya masyadong beast. Hindi siya beast. Tao po siya at siya ay nag-perform ng trabaho niya. Matagal ng mataas ang rating ni General Bato.
“Sa aking palagay, mas makakatulong ang pelikula para makilala siya ng tao. Kasi sa usapin na sino ba talaga siya, binasa lang ng mga tao or nakinig lang ang mga tao sa alam mo na, eh hindi mo siya makikilala,” aniya pa.
Anyway, todo naman ang pasasalamat ni Bato kay Binoe dahil pumayag itong gawin ang life story niya sa pelikula. Idol din daw niya ang aktor dahil sa tapang at paninindigan nito sa lahat ng aspeto ng buhay.
Showing na ngayong araw, Jan. 30 ang “Bato” sa mahigit 20 sinehan sa buong bansa mula sa ALV Films, Regal Films at BENCHingko Productions. Ito’y sa direksyon ni Adolf Alix, Jr.