Nu’ng una ay maraming napaniwala si Gretchen Barretto sa kanyang mga rebelasyon laban kay Kris Aquino. May mga nagkomento pa na ‘yan daw si Gretchen, babaeng matapang, walang inuurungan!
Nakatagpo raw ng katapat si Kris sa kataklesahan, napakaraming impormasyong inilabas si Gretchen laban sa aktres-TV host, pero sa malas ay palagi naman siyang nasosoplak.
Hindi si Kris ang nagsasalita, ang mga taong isinasangkot niya sa usapin ang naglalabas ng kanilang panig, tulad na lang ni dating Commissioner Kim Henares ng BIR.
Napakalinaw ng inilabas na pahayag ng dating tagapamuno ng Rentas Internas, walang sinumang lumapit sa kanya para doktorin ang buwis na dapat bayaran, at walang sinuman itong papayagang gumawa ng ganu’n.
Nagkomento rin ang dating komisyoner ng BIR na ang pagdadamay sa kanyang pangalan ni Gretchen ay isang iskrip na pang-comedy, nakakatawa, dahil kahit pala ang mismong mga kadugo nito ay hindi nagkaroon ng espesyal na pagtrato sa kanyang pamumuno sa BIR.
Pinayuhan din nitong mag-ingat si Gretchen sa pagsasalita, magpakatotoo raw ang aktres, dahil hindi simple ang kanyang mga rebelasyon.
Soplak si Gretchen. Soplak din siya nang magsalita ang kanyang bunsong kapatid na si Claudine na kahit minsan ay hindi ito tinawagan ni Kris para lang maghanap ng kakampi sa pangwawasak sa kanya.
Paano na ‘yan ngayon? E, di ang mga sigaw pala ni Gretchen Barretto ay puro fake news lang?