Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
2 p.m. NU vs UP
4 p.m. Adamson vs
Ateneo
Team Standings: FEU (4-0); UST (3-1); NU
(2-1); La Salle (2-2); Adamson (1-1); UE (1-3); UP (0-3); Ateneo (0-3)
NAKITA ang puso at determinasyon ng Far Eastern University nang bumangon sila mula sa 13 puntos pagkakalubog sa huling yugto bago inuwi ang 83-79 panalo sa overtime sa De La Salle University sa 76th UAAP men’s basketball tournament kagabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Terrence Romeo ay mayroong 25 puntos bukod sa limang assists at apat na rebounds at ang kanyang dalawang tres at liderato sa huling 2:36 ng regulation ang nakatulong para bumangon ang Tamaraws mula sa 60-73 iskor.
Si RR Garcia na may 19 puntos ay gumawa ng 12 sa fourth period at overtime habang sina Mark Belo at Roger Pogoy ay humablot ng mga mahahalagang rebounds at puntos para maibigay sa Tamaraws ang ikaapat na sunod na panalo.
“It was a total team effort. La Salle had a very good game plan but we had players who can execute,” wika ni first year FEU coach Nash Racela.
Isang 15-2 palitan na tinapos ng under-the-basket shot ni Belo ang nagpatabla sa magkabilang koponan sa 75-all.
Huling hinawakan ng Archers ang kalamangan sa 78-77 bago umiskor ng layup si Garcia mula sa magandang pasa ni Romeo habang ang offensive rebound at putback ni Pogoy ang nagpalawig sa kalamangan ng FEU sa 81-78.
May 25 puntos at 15 boards si Jeron Teng pero nasaktan ang koponan sa mahinang shooting sa 15-foot line nang magtala lamang ng 1-of-4 matapos lumayo sa tatlo ang kalaban para bumaba ang La Salle sa 2-2 karta.
Gumawa naman ng 25 puntos si Karim Abdul haba 24 ang ibinigay ni Aljon Mariano para pamunuan ang 88-77 panalo ng UST sa UE sa unang laro.
Si Eduardo Daquioag ay may career high 19 puntos upang hindi maramdaman ng Tigers ang di paglalaro ni Jeric Teng na may iniindang right shoulder injury.
May 21 puntos si Roi Sumang para sa UE na ramdam ang di paglalaro ni 6-foot-7 center Charles Mammie bunga ng suspensyon na ipinataw ni league commissioner Chito Loyzaga matapos makita sa review ng tape sa laro ng koponan at Adamson na sinipa niya si Roider Cabrera matapos ang labanan. — Mike Lee