UMABOT na sa 19 ang patay, samantalang 79 na iba pa ang sugatan matapos sumabog ang dalawang bomba habang nagmimisa sa Cathedral sa Jolo, Sulu, ngayong araw, ayon sa mga otoridad.
Sinabi ni Autonomous Region in Muslim Mindanao police spokesman Senior Insp. Jemar delos Santos na kabilang sa mga namatay ang 13 sibilyan, limang sundalo at isang personnel ng Coast Guard.
Samantala, kabilang naman sa nasugatan ang 61 sibilyan, 14 na sundalo, dalawang pulis at dalawang miyembro ng Coast Guard.
Sumabog ang isa sa dalawang bomba sa loob mismo ng Our Lady of Mt. Carmel Cathedral at ang isa ay sa entrance ng simbahan.
“Soldiers are securing the area every time there is a mass,” sabi ni delos Santos, nang tanungin kung bakit kabilang ang mga sundalo sa mga nasawi.
Sinabi ni Lt. Col. Gerry Besana, Armed Forces Western Mindanao Command spokesman na unang sumabog ang bomba sa loob ng simbahan sa kasagsagan ng misa at sumunod ang pangalawa makalipas ang isang minuto.
“It appears that the IED outside the church was placed inside a motorcycle’s utility box,” sabi ni Besana.
Nangyari ang pagsabog isang linggo makalipas bumoto ang mga residente ng Sulu laban sa Bangsamoro Organic Law (BOL).