Barbie, Mika sa tapatang Kara Mia-Probinsyano: Malaking karangalan

MIKA DELA CRUZ AT BARBIE FORTEZA

TEN years na si Barbie Forteza sa GMA 7 at wala siyang planong lumipat ng TV network.

Ayon sa Kapuso star, mananatili siyang loyal sa GMA 7 dahil na rin sa patuloy na tiwala at pagmamahal na ibinibigay sa kanya ng mga bossing at mga katrabaho niya sa network.

Sa presscon ng latest primetime series ni Barbie, ang pinag-uusapan at kontrobersyal na Kara Mia, sinabi ng dalaga na sobra-sobrang blessings ang dumating sa personal na buhay at career niya dahil sa GMA.

“Ibinabalik naman sa akin ng management at ng network ‘yung loyalty ko sa kanila and parang hindi ko na-i-imagine yung sarili ko sa ibang network, Kapuso talaga ako,” aniya.

“Sila ‘yung unang nagtiwala sa akin, sila ‘yung unang nagbigay sa akin ng chance, kasi gusto ko talaga mag artista. Hindi ako sa GMA agad nag-audition, nag-audition din ako sa iba, pero GMA ang tumanggap sa akin. So, bakit ako aalis eh sila yung nagtiwala sa akin?” hirit pa ni Barbie na siyang gaganap na Kara sa bagong Kapuso fantaserye na Kara Mia, ang kakambal ni Mia to be played by Mika dela Cruz.

Ka-join din dito sina Jak Roberto, Paul Salas, Carmina Villarroel, John Estrada, Glydel Mercado at marami pang iba, sa direskyon ni Dominic Zapata.

Samantala, sakali mang itapat ng GMA ang Kara Mia sa teleserye ni Coco Martin sa ABS-CBN tulad ng napapabalita, okay lang kina Barbie at Mika. Desisyon daw ito ng management at ang trabaho nila ay ang pagandahin ang kanilang programa at gawin lahat para mapasaya ang manonood.

“Actually sa amin po wala pa kaming alam kung sino ang magiging katapat namin. Wala pang detalye na ibinibigay sa amin ang GMA. Pero for me lang, naniniwala ako na wala ‘yan sa artista, nasa story ‘yan. So, dahil malakas ang paniniwala ko sa story, naniniwala ako na kahit saan kami ilagay, hopefully, magustuhan din ng mga tao,” sagot ni Mika sa tanong namin kung ready na sila sa panibagong bakbakan sa primetime.

Hirit pa niya, “Pero, isang malaking karangalan na sa amin na ipantapat doon. At gagalingan na lang namin,” ang sabi naman ni Paul.

Singit naman ng ka-loveteam niyang si Mika, “Lalaban kami. Siguro mas mapu-fuel kami na bonggahan namin, na ibigay namin lahat, gawin namin lahat ng hindi pa namin nagagawa, ha!”

“Pero kami naniniwala na ‘pag naipalabas na ito, matutuwa talaga sila, at makikita nila na malaman ang story nito. Na puwede talaga nilang pag-aksayahan ng oras talaga,” dagdag pa ng Kapuso young actress.

Basta, abangan n’yo na lang ang pagsisimula ng Kara Mia ngayong Pebrero sa GMA Telebabad.

Read more...